Lunes, Disyembre 10, 2012

SEQUENCE 22: CLAN / V.LUNA / GABI / INT


Mahigit apat na taon na kaming magkakaibigan at mahigit apat na taon na rin ang aming clan, ang B-men. Marami ng nawala pero parati pa ring may nadadagdag at may ilang matitibay na natitira at nanatili tulad ko. Malaki ang utang na loob ko sa samahang ito kaya hindi ko maiwan. Dito ako naging mas bukas sa aking tunay na pagkatao. Dito ako umibig. Dito ako umiyak. Dito ako natutong lumaban. Dito ako naging ako. Walang naging pagpapanggap. At dito rin ako nagkaroon ng tunay na mga kaibigan na talagang naiintindihan ako. Kahit marami akong nakaaway, hindi nila ako iniwan. Kahit minsan, masama ang ugali ko, pinapalampas na lang nila. Kahit minsan matalak ako, deadma na lang sila. Kahit minsan wala akong pera, hindi ko na kailangang mag-alala. Kasi nauunawaan nila ako, kasi kilalang-kilala na nila ang ugali ko. Tanggap nila kung anong meron ako at tanggap nila kung ano ako.





Magulo talaga ang clan pero masaya ang mundong ito. Sa mundong ito, nakamit ko ang kalayaan at kaligayahan na gusto ko. Wala akong kailangang itago. Puwera na lang kung ayaw kong matsismis at magkaroon ng isyu sa loob ng clan. Pero lagi ko ngang sinasabi, hindi GMRC ang clan. Hindi kailangan magbait-baitan ng bawat myembro. Gusto ko ma-express ng mga myembro 'yung nararamdaman nila sa GM man o sa GEB. Kung kailangan magmura para mailabas ang sama ng loob, bakit kailangang bawalan? Kung Hard Morning naman talaga, bakit kailangang pigilan? Hindi kailangang maging malinis. Alam naman natin kung ano ang sobra na sa hindi. Kaya nga isa lang ang rule ko sa clan, RESPETO lang. Respeto sa bawat isa, respeto sa sarili, respeto sa magjojowa, respeto sa officers, respeto sa clan.



Natutuwa rin ako kapag mayroong nabubuong pag-iibigan sa clan. Natutuwa ako kasi feeling ko dahil sa akin, dahil sa clan, nagkakilala sila. Kaya nga nagpapatuloy pa rin ako, naghahanap ng mga bagong myembro. Gusto kong maranasan nila ang mga naranasan ko. Tulad noong estudyante pa 'ko, kahit pamasahe lang ang laman ng bulsa ko, malalasing ako, makakapag-almusal ako, minsan may makakahalikan pa 'ko, hindi na masama di'ba? Kahit wala kaming mga trabaho noon, masaya kami. Kung sino ang meron, siya ang nagbibigay. Kaya ngayon na may mga trabaho na kami. Panahon na para bumawi sa lahat ng utang. Panahon na rin para tumulong sa iba, sa mga taong hinahanap ang kanilang sarili.

Naranasan ko na ring umibig sa clan, mga dalawa, tatlo, apat, lima ata. Pero dalawa lang talaga 'yung tumagal ng dalawa hanggang tatlong buwan. Mahirap magmahal sa clan. Ang daming kaagaw. Ang mahirap pa, kapag nahiwalay kayo, magkikita pa rin kayo na may ka-holding hands na siyang iba. Ilang beses akong umasa at nabigo sa pag-ibig. Lagi nga lang akong runner up sa natitipuhan ako. Iba ang nakakakuha ng title at korona pero okay lang kasi hindi rin naman sila nagtatagal (haha bitter?). Pero buti na nga lang nandiyan ang mga kaibigan ko, may nagko-comfort sa akin palagi. Magkikita-kita kami, mag-iinuman sa may V.luna, sa tabi ng Punerarya Quiogue at Iglesia ni Cristo. Magluluto ng pasta, magkekwentuhan, mag-aasaran, magtsitsismisan hanggang sa malasing at mapunta ng Starlites at P1. Kinabukasan, okay na ang lahat. Iba na uli ang isyu.





Parang showbiz din ang clan, maraming bida, maraming kontrobersiya, at meron ding mga kontrabida kung minsan. Magulo kung iisipin, pero sa pagtatapos ng araw, magkakaibigan pa rin kami, isang pamilya, isang kapatiran, magsasama sa saya at kalungkutan, magtutulungan sa hirap man o ginhawa.

Biyernes, Disyembre 7, 2012

SEQUENCE 21: PAMASAHE / SPA / GABI / INT

Umakyat na kaming dalawa sa itaas. Pumasok sa isang kwartong walang tao. Sinimulan ko ng hubarin ang ang aking sapatos. Pagkatapos, hinubad ko na rin ang aking damit. Tinanong niya kung huhubarin ko rin ba ang aking boxer, pero hindi ako sumagot. Pinadapa niya ako, kinumutan, atsaka niya inumpisahang tapik-tapikin ang aking likuran. Inilabas niya ang aking kaliwang paa hanggang hita at inipit niya sa aking boxer ang kumot. Hinimas niya ang aking hita pababa sa aking paa. Pauli-ulit niyang nilamas ang aking binti. Madiin ang kanyang pagkakahawak pero hinayaan ko lang. Hinayaan ko lang siyang gawin ang gusto niya sa aking katawan. Nasasaktan man ako pero hindi na ako nagreklamo. Hindi ko pinakita ang aking pamimilipit. Tiniis ko ang lahat at naging tahimik. Naghalong sakit at sarap ang aking naramdaman. Hindi ako nagsalita hangga't wala siyang sinasabi. Ipinikit ko lang ang aking mga mata at dinama ang bawat hagod ng kanyang kamay. Kahit minsan ay nararamdaman ko ng parang hinihipuan niya ako pero hindi pa rin ako umimik. Nagpahipo ako ng paulit-ulit. Ganito rin ang ginawa niya sa kabilang hita at paa ko. 


Para akong tinapay na minamasa ng isang panadero. Masarap ang kanyang pagkakamasa sa akin. Ramdam na ramdam ko ang kanyang dalawang palad na lumalapat sa aking likuran. Ginamit niya pati ang kanyang mga braso. Iba't ibang pwesto ang kanyang ginagawa para hindi ako magsawa sa kanyang ginagawa. Sarap na sarap naman ako lalo na sa paghagod niya sa aking tagiliran pababa sa aking beywang. Napapaangat ako sa tuwing ginagawa niya 'yun. Pati pwet ko ay hindi niya pinalampas. Hanggang sa batok pati na sa ulo. Parang nagbayad ako ng pamasahe sa kanyang mga kamay para libutin ang bawat bahagi at bawat sulok ng aking katawan.

 
Hindi pa tapos ang biyahe. Pinatihaya naman niya ako. Muling kinumutan at tinakpan niya ng bimpo ang aking mga mata. Hindi man haplos ng pagmamahal ang alok niyang serbisyo, nasabik naman ako sa joy ride na dala ng kanyang mga palad. Pero syempre, hindi ako nagpahalata. Muli niyang sinimulan sa aking paa. Muli niyang hinaplos ang aking mga biyas hanggang sa umabot sa aking singit. Paulit-ulit at dahan-dahan niya itong ginawa. Hanggang sa maramdaman ko na simula ng nagagalit ang alaga ko. Paano ba naman hindi ito magagalit, pati itlog ko ay inaabot ng kanyang mga daliri. Malamang ay napansin niya ito kaya naman itinuloy niya lang ang pangroromansa. Wala pa rin akong sinabi. Hindi rin ako gumalaw. Inulit niya ulit ito sa aking kabilang hita at binti. Sa pagkakataong ito, naramdaman ko na unti-unting pumapasok ang kanyang mga daliri sa loob ng aking boxer. Hindi ko na pinigilan, kahit na minsan ay nararamdaman ko na ang dulo ng kanyang mga daliri sa aking naghuhumindig na ari. Hindi pa natapos doon. Panandalian naman niyang minasa ang aking tiyan pababa patungo sa aking bolbol. Akala ko ay hanggang doon lamang aabot ang biyahe ng kanyang mga kamay. Pero hindi na ito nakapagpigil at inabante na ang kanyang daliri sa aking ari. Hinimas niya ng ilang beses ang aking burat pero patuloy akong nanahimik. Bigla siyang nagtanong, "Sir, tuloy?" Hindi ko malaman kung ano ang kanyang ibig sabihin kaya sumagot ako, "Anong tuloy?" Natawa lang siya at muling isinuot ang aking boxer. Itinuloy niya ang biyahe ng kanyang kamay hanggang sa makarating ito sa kanyang pupuntahan. 

Isang oras na biyahe ng paikot-ikot na haplos ng mga palad at daliri ng isang taong hindi ko man lang alam ang pangalan. Inabot ko ang aking pamasahe. Ngumiti at umalis. Tiyak na mahimbing ang tulog ko nito mamaya.

Linggo, Nobyembre 25, 2012

SEQUENCE 20: PAGBABALIK / UPUAN SA ILALIM NG PUNO / TAKIPSILIM / EXT

Nagbalik ako.
Umaasang may babalikan pa ako.
Kay tagal na rin mula nang nawala ako.
Parang wala pa ring pinagbago.
Pakiramdam ko lang ang nagbago.
Kinakabahan ako.
Paano kapag nagkita tayo?
Mahal mo pa rin kaya ako?
O baka mayroon ka ng bago?

Nagbalik ako.
Umaasang mapapatawad mo pa ako.
Kay tagal na rin mula nang nagkahiwalay tayo.
Pero sana wala pa ring pinagbago.
Pakiramdam ko lang ang nanibago.
Baka ayaw mo na ako.
Paano kapag ayaw mo na maging tayo?
Paano ang pagmamahal ko sa'yo?
Maghahanap na lang din ba ng bago?

Nagbalik ako.
Umaasang babalikan mo rin ako.
Kay tagal na rin mula nang nagmahal ako.
Marami na ang pinagbago.
Pakiramdam ko lang siguro ang hindi magbabago.
Ikaw pa rin ang mahal ko.
Bahala na kung paano.
Basta magmamahal ako.
Maghihintay sa'yo.

Miyerkules, Setyembre 12, 2012

SEQUENCE 19: WAITING SHED / CIRCLE / TAKIPSILIM / EXT




Andito ako ngayon. Nag-aabang ng masasakyan. Pero 'di ko pa alam kung saan ako pupunta. Tila pansamantala akong naipako sa aking kinalalagyan. Nahihiwagaan kung paano nga ba ako nakarating sa lugar na aking kinauupuan? Ano nga ba talagang nangyare? Paano ako nakarating dito? Parang nakalimutan ko na ang lahat ng nangyari, na kung hindi ko sasadyaing isipin, hindi ko maaalala. Naglakad ba 'ko o sumakay? At saka bakit ako nag-iisa? Maraming taong nakapalibot sa'kin pero hindi ko sila kilala. Nag-aabang din sila ng masasakyan. Pinagmamasdan ko lang ang bawat galaw nila. Maraming nagmamadaling makasakay. Pero iba't ibang direksyon ang kanilang pinatutunguhan, iba't ibang byahe ang kanilang sinasakyan. Pero may iba ring tulad ko na hindi pa nakakapagdesisyon kung saan papunta. Naghihintay na lang din ng kung anong magaganap.  

Parang nangyari na lang ang mga dapat mangyari. Paggising ko, andito na agad ako, nakaupo. Pero ano ba talagang ginawa ko para umabot o bumagsak sa aking narating? May ginawa ba 'ko? Parang nakatakda at nakatadhana na ang lahat ng dapat na mangyari at ang kinailangan ko na lang gawin ay mabuhay. Minsan, naiisip kong kontrahin ang nakatadhana sa akin, na imbis na dumiretso ako ay lumiko na lang ako. Hindi kaya ako maligaw? Huwag naman sana pero hindi na 'ko p'wedeng bumalik muli at umulit sa simula. Wala na ang pagkakataon na 'yon. Lipas na. Kailangan kong umusad. Pero kailangan ko pa munang alalahanin ang aking dinaanan at matutunang lingunin ang aking pinanggalingan para malaman ko ang aking patutunguhan. Ang aking pinagmulan ang bubuo sa aking pagkatao. 

Kung may kasama lang sana ako, may nakatulong sana sa'kin na hanapin ang sarili ko. Mas mapapaintindi niya siguro sa akin ang mga nangyayari. Sana tabihan niya ako ngayon. Gusto kong kilalanin namin ang isa't isa. 'Yung tipong hindi na namin mapapansin ang paglipas ng oras at ang paggalaw ng ibang tao. 'Yung kahit hindi ako gutom, kakain ako para magkasabay kami. 'Yung kahit maglakad kami ng malayo, hindi kami mapapagod at hindi na rin namin kailangan intindihin kung saan kami pupunta sa oras na 'yon. At saka 'yung kahit ang luwag ng espasyo, pilit naming sinisiksik ang isa't isa. Ang mahalaga lang, may kasama ako, kasabay ko sa pagtahak ng hinaharap na landas. 

Pero nasaan na nga ba siya? Iniwan niya na ba 'ko? Baka isa siya doon sa mga nagmamadali kanina at nauna na siyang sumakay ng dyip o kaya ng bus? Baka naman naharangan siya ng ibang tao kaya hindi ko siya nakita. P'wede rin namang hindi pa lang talaga siya dumarating. Hindi lang siguro ito ang masuwerteng araw para sa'kin. Pero kailan kaya siya darating? Hanggang kailan naman ako maghihintay? Kailangan ko bang hanapin siya mismo? Ano kayang itsura niya? Papansinin niya kaya ako? Magugustuhan? Ako ba ang unang lalapit o siya? Kailangan ko ba siyang asahan? Aasa ba 'ko? O baka naman kailangan ko ng itigil ang pag-iilusyon.

Andito ako ngayon, naghihintay pa rin ng aking susunod na gagawin. Pero ano nga bang naghihintay para sa'kin? Meron ba? Pero kung ano man 'yon, tuloy pa rin ang pag-ikot ng mga sasakyan. Tuloy din ang pag-ikot ng mga katanungan sa aking isipan. Kahit wala na 'ko dito, walang makakapansin. Iikot pa rin sila. Bibiyahe para mabuhay. Gan'un din ako. Maglalakad, sasakay, may kasabay man o wala. Pipiliting makipagsapalaran. Mabubuhay. Maglalakbay patungo sa mga kasagutan, dala ang pag-asa na makakarating ako doon, kung saan man 'yon.

Miyerkules, Agosto 29, 2012

SEQUENCE 18: BIRDCAGE / GABI / INT


Gabi na naman. 
Nagsipasukan na muli ang mga ibon sa kanilang kulungan.
Gutom na gutom.
Humahanap ng kapwa ibong matutuka. 
Nagbabakasali. 
Nag-aabang. 
Naghihintay.
Nag-iikot-ikot.
Tila nakikipaghabulan.
Kahit walang pinatutunguhan.
Akyat-baba sa paglipad patungo sa 'di malaman.
Walang mapuntahan.
Walang mapaglagian
Walang mapaglaruan.
Nabubuhay sa diliman.
Naghahangad na makatagpo ng kung sinuman.
Kahit walang pangalan.
Kahit walang pagkakakilanlan.
Kahit ano pagt'yat'yagaan.
Kahit tanging anino lang ang nasisilayan.
Wala ng pakialamanan
Wala ng pamantayan.
Kahit wala ng mukhang mapagmamasdan.
Ayos lang.
Patay-gutom na sa laman.
Kahit ano titikman.
Kahit anong parte hahawakan.
Makikipag-agawan.
Kahit sa anong paraan.
Kahit may kahati, binabalewala na lang.
Mapagbigyan lang ang kagustuhan.
At takasan ang init ng nararamdaman.
Kahit laway didilaan.
Matanggal lang ang uhaw na nararanasan.
Pati pawis hindi tatantanan.
Hanggang sa magkasawaan.
Biglang iiwanan.
Gan'un lang.
Wala man lang paalamanan.

Lunes, Agosto 20, 2012

SEQUENCE 17: KULONG / KWARTO / ARAW-GABI / INT

Kasalanan ko, umibig ako. Hinayaan kong ikulong ang aking sarili, ang aking pag-ibig. 

Perpekto ang lahat sa simula, maituturing na isang paraiso, langit kumbaga. Hindi man kalakihan ang kwartong aming pinagsasaluhan, sapat na ang espasyong ito para sa aming dalawa. Hindi masikip, hindi maluwag. Ito ang nilikha naming mundo, ang mundong nilikhang ng aming pag-ibig.

Piping saksi ang bawat sulok ng kwarto sa aming pagmamahalan. Lahat-lahat ay nakita nito, narinig, naamoy, at naramdaman. Ang silid na ito lamang ang nakakaalam ng aming nararamdaman, wala ng iba. Walang ibang nakakaalam na nagmamahalan kami kundi ang mga unan, baso, plato, tabo, inidorong ginagamit namin, ang mga ipis at butiking nagsisidaanan, at pati na rin ang sahig na aming hinihigaan. 

Gusto ko man ipagsigawan sa buong mundo na mahal ko siya, hindi ko magawa. Magmumukha lang akong tanga. Magmumukha lang akong gumagawa ng istorya. Gusto ko sanang ipangalandakan at ibahagi sa kalsada, sa dyip, sa bus, sa mall, sa puno na kaming dalawa pero ayaw niya. Mas gusto niyang manatili sa kanyang munting palasyo, magpahinga, at magkulong.

Kapag nag-iisa na ko at hindi ko na siya kasama, hindi ko mapigilan ang sarili ko na mag-isip tungkol sa kanya at maghanap ng pagpapadama ng pagmamahal niya. Hindi man lang kasi siya nagtetext o nag-uupdate ng status, dahil wala siyang Facebook at Twitter. Kala ko okay lang na gan'un, makakaya ko. Pero nawawala 'yung kilig, nawawala 'yung landi na hinahanap ko. Nakukulangan ako. Parang gusto kong kumawala sa pagkakakulong. Pero sa tuwing bumabalik ako sa aming kanlungan, nakakalimutan ko ang lahat ng hinanakit ko, lahat ng pagnanais kong kumawala. Isa pa rin ang kinakahantungan ng lahat, mahal ko nga talaga siya.

Pero hanggang kailan tatagal ang ganito? Gusto ko ng pag-unlad sa aming relasyon pero nakakahon kami, nakakulong sa sarili naming mundo. Walang ibang meron, kundi ang isa't isa. Sapat na nga ba 'yun?


 

Miyerkules, Hunyo 27, 2012

SEQUENCE 16: LIMANG MINUTO / JEEP / GABI / INT

Limang minuto lang kaming nagkita. Hindi niya man lang ako kinausap, hindi man lang niya ko tinitingnan. Para bang may malaki akong kasalanan na nagawa sa kanya. Hindi rin ako makatingin sa kanya. Nahihiya ako. Pasulyap-sulyap lang ang tingin ko sa kanya. Pasimple kong tinititigan ang salamin kapag nasa malayo ang kanyang tingin, naghahangad ng kanyang pansin. Gustong-gusto kong sulitin ang pagkakataong iyon dahil baka hindi na kami magkitang muli. Ayaw ko matapos ang lahat ng ganun-ganun na lang. Kung kaya ko lang patigilin o pahabain ang oras, gagawin ko, basta makasama lang siya nang mas matagal. Hinding-hindi ko makakalimutan ang bawat sandaling iyon, lalo na ang bawat bahagi ng kanyang mukha. Inukit ko na ito sa aking isipan para sa tuwing pipikit ako, ang mukha niya ang tangi kong maaaninag. Mabuti na lamang mabagal ang takbo ng dyip. Hindi ko na nga napapansin ang drayber, parang kaming dalawa lang ang magkatabi. Pati ang ingay ng mga tao sa aming likuran ay hindi ko na napapansin, tanging ang paghinga lamang niya ng malalim ang aking naririnig. Sa bawat pag-ihip ng hangin, nalalanghap ko ang amoy ng kanyang pabango. Ginawa kong singhutin lahat ng kaya kong singhutin dahil alam kong baka hindi na kami muling magkita. Malamang kung muli man magtagpo ang aming landas sa daan, natitiyak kong hindi niya ko papansinin. Iiwasan niya ako tulad ng lubak sa kalsada. Gusto ko sanang subukang kausapin siya pero nagdadalawang-isip ako, naguguluhan sa pwedeng mangyari kaya pinili kong manahimik na lang at tanggapin ang katotohanan. Nalulungkot ako kung bakit nangyayari sa akin ito. Lagi na lang akong umaasa na may magmamahal pa sa akin. Akala ko nga siya na, pero...

Bigla siyang pumara sa tabi at bumaba ng dyip. Nagmamadali. Gusto ko sanang pigilan siya pero huli na ang lahat. Nandoon ang aking panghihinayang na sana ay nasabi ko ang aking nararamdaman. Wala na siya. Hindi na muling babalik. Ni hindi man lang lumingon para sa isang huling sulyap. Sayang! Sayang at hindi ko man lamang nalaman ang pangalan niya.

Sabado, Hunyo 9, 2012

SEQUENCE 15: PLANET ROMEO / GABI / INT



Hindi na bago sa akin ang rejection. Parang kanin na nga lang sa akin ito, staple food kumbaga. Sa litrato pa lang nahuhusgahan na agad ang buong pagkatao ko. Hindi pa man ako nakikita sa personal, tinatanggihan na ko, hindi nirereplyan, hindi man lang nabibigyan ng pagkakataong mapakita kung sino ako. Minsan tuloy, pakiramdam ko, ang panget ko. Iniisip ko na lang, kapag ganun, kung panget man ako, isa naman siguro ako sa may mga itsura sa mga panget. O kaya naman, hindi lang talaga siguro ako ang tipo nila.


Kaya minsan, natutuwa ako kapag may nagmemessage sa akin na may itsura, malakas ang dating o kahit maganda na lang 'yung katawan. Feeling ko, ka-lebel ko sila ng ganda o kaya naman mabait lang talaga sila. Pwede rin namang natuwa lang sila sa nabasa nila sa profile ko. Minsan, pakiramdam ko baka "This is it!" , baka siya na ang hinihintay o hinahanap ko, kahit sex lang papatusin ko na. Pero madalas, hindi happy ang ending. Napadaan lang pala siya sa inbox ko, hindi man lang nagtagal at tumambay. 


Minsan naman, iisipin mo sana picture na lang sila, hindi nakakapagsalita. Para hindi mo na malaman na bobo sila o para hindi mo na maamoy na mabaho pala 'yung hininga nila. Sana picture na lang sila, sa personal kasi hindi naphophotoshop ang madungis na kutis at galis sa katawan. Sana hindi na lang din kayo nagkachat o nagkatext para 'di mo na nalaman na mahina sila sa spelling at grammar. Sana hindi mo na lang din sila nakitang kumilos, para hindi na nahiya ang bulak sa pagkalambot nila. Sana hindi mo na lang din nalaman na discreet sila, para hindi ka na nag-expect. Sana hindi na lang kayo nagsex para hindi mo na nalaman na jutay lang pala. Mahirap talaga makita ang nakatago. 


Mahirap na rin kasi ngayon makahanap ng tao na pareho kayo ng interes. Nakakalungkot na ang mga tao rin ngayon, mga mali na agad ang nakikita kaya ang madalas na ending, rejection. Minsan sa dami ng options mo, ang ending, wala palang matitira sa options mo kung kaya naman mangongolekta ka na naman ng bagong prospect. Paulit-ulit na lang ito tila walang katapusan hanggang sa makita mo na ang hinahanap mo. Pero kailan mo makikita ang hinahanap mo? Makikita mo pa kaya? O baka naman wala kang hinahanap? Kung wala kang hinahanap, anong ginagawa mo? Maghahanap ka pa ba kung wala ka namang mahanap? Bakit kasi naghananap kung wala ka namang mahahanap? Hanggang kailangan ka aasa na makakahanap ng taong hinahanap mo? Walang katapusang tanong, wala ring maisagot. Pero, nagpapatuloy ka pa rin, umaasa, naghihintay, naghahanap, nagbabakasakali. "Malay mo!" 

Sabado, Abril 21, 2012

SEQUENCE 14: TEATRO / GABI / INT



Magsisimula na ang palabas at tumayo na ang lahat para sa pambansang awit ng Pilipinas pero hindi niya pa rin ako pinapansin. Ngayon lang kami ulit nagkita ng Mahal Ko na dating ako rin ang kanyang mahal. Kahit matagal na kaming nagkahiwalay, Mahal Ko pa rin ang tawag ko sa kanya. Para kasi siyang baterya sa aking relo na nagpapatakbo ng aking oras. Ngayong wala na siya sa aking tabi ay tila huminto na ang pag-ikot ng aking mundo.

Tila itinakda ng pagkakataon ang aming pagkikita. Manunuod kami ng dula tungkol sa pag-ibig sa Wilfrido Ma. Guerrero Theater sa AS. Hindi ako mapalagay. Mabilis ang pagtibok ng aking puso at parang nilagyan ng speakers ang ipod nang marinig kong mas lumalakas ang tunog nang pagpintig ng aking puso. Mas kinabahan ako nang bigla siyang sumulyap sa aking kinalalagyan. Kung gagamit lang ako ng headset sa cellphone, mas maririnig ko ang pagdagundong nang isinisigaw na aking puso. Pero syempre hindi ako nagpahalata at sinuklian ng ngiti ang kanyang pagtingin, pero, hindi pala siya sa akin nakatingin. Naramdaman ko na para akong remote sa kanyang t.v. na ok lang na kung naririyan at pwede ring wala. Pero kung ako man ang remote sa kanyang t.v., sisiguraduhin kong mas giginhawa ang kanyang buhay, pero iba ang aking nararamdaman. Nararamdaman kong para lamang akong virus sa kanyang computer na pinipilit niyang burahin sa kanyang isipan.

Para akong laptop na walang charger sa puntong iyon at tila malolowbat na ako. Lalo na noong may bigla na lamang tumabi sa kanya. Matatamis ang kanilang mga ngitian na tila dalawa lamang sila sa kanilang kinalalagyan. Hindi na nga nila napapansin ang palabas at ganoon din ako. Naisip ko na kung maaari ko lang sigurong burahin ang mga panget na kabanata ng aming pagsasama, tulad ng kung gaano kadali magbura ng mga litrato sa memory card ng aking digicam, sana ay mas madali kong maaayos ang lahat. Nais kong itama ang aking mga pagkakamali. Pero mukhang huli na ang lahat dahil may iba nang nagbibigay ng gas sa kanyang kotse, may iba na siyang mahal at hindi na ako iyon.

Sa pagkakataong ito, para akong tinanggalan ng mikropono sa videoke dahil nahihirapan akong makaiskor sa Mahal Ko. Gusto kong humingi ng tawad sa kanya pero hindi ako pinahihintulutan ng sitwasyon. Kung sabagay, kasalanan ko naman ang lahat. Mas pinili kong mahalin ang aking sarili kaysa pagtuunan siya ng pansin kaya ngayon sa ibang kandungan siya nakahanap nang pupuno sa aking mga pagkukulang.

Tapos na ang palabas. Tulad nang pagkaubos ng tinta sa printer, ubos na rin ang pag-asa ko sa kanya. Sarado na ang telon at patay na ang mga ilaw.    

Sabado, Abril 7, 2012

SEQUENCE 13: B-MEN CLAN / UNLI DAY AND NIGHT / INT-EXT

Text Clan - SEQUENCE 13: CLAN / UNLI DAY AND NIGHT / INT-EXT - B-men


Kasabay ng paglabas ng mga cellphones noong huling bahagi ng dekada 90 ang pag-usbong ng mga text clans. Hindi naman mabubuo ang mga text clan kung wala pang teknolohiyang gagamitin para sa pagtetext. Bukod sa pagpapakalat ng text clans sa pasalita, naging daan din ang telebisyon pati internet para sa panghihikayakat na sumali sa mga text clans. Noong magsimula ito, nagkaroon ng konotasyon ang pagsali sa clan sa pagiging jologs. Marahil, hinalaw ang obserbasyong ito sa mga itsura ng mga dumadalo sa mga GEB at pati na rin sa kanilang pag-iistambay ng matagal doon nang walang ginagawa. Gayunpaman, hindi pa rin napigil ang paglaganap ng clan, at sa ganang ito, nakabuo ang mga homosekswal at bisekswal ng sarili nilang bersyon ng clan na umiral noong pagpasok ng bagong milenyo.

Sa pormal na pananaw, ikinakabit ang clan sa relasyon ng magkakadugo o magkakamag-anak. Hindi naman maihihiwalay ang pagturing nating mga Pilipino sa taong malalapit sa atin bilang kapamilya. Lalo na sa isang lugar, halos magkakamag-anak ang lahat ng nakatira sa isang karsada. Kahit malayo na ang kaugnayan ay tinuturing pa ring kapamilya. Mahalaga para sa atin ang konsepto ng isang pamilya dahil sa ating “close-family ties.” Kaya hindi maitatanggi na sanay na sanay ang mga Pilipino sa pakikipagkapwa.

Hindi maaaring mag-isa ang Pilipino, lagi nating gustong may kasama tayo. Nahihirapan tayo kapag nawawalay tayo sa ating pamilya dahil lagi silang nariyan simula ng mga bata pa lang tayo. Kahit saan man tayo pumunta, gusto nating kasama ang mga mahal natin sa buhay. Sa lahat ng ginagawa natin, laging iniisip natin ang ating mga pamilya kung ano ang iisipin at mararamdaman nila.

Isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit sumasali ang isang indibidwal sa clan ay dahil sa pakikipagkaibigan. Tulad na lamang ng pagsali ng mga estudyante sa mga organisasyon sa kanilang paaralan, sumasali rin ang isang tao sa clan para makahanap ng kaibigan, sa personal man o kahit sa text man lang. Napakalaki ng kaugnayan ng pakikipagkaibigan sa pakikipagkapwa dahil sa pagbubuo nito ng isang relasyon.

Text Clan - SEQUENCE 13: CLAN / UNLI DAY AND NIGHT / INT-EXT - B-men


Ako rin ay sumali sa clan dahil sa pakikipagkaibigan. Nagsimula ako sa pagiging myembro hanggang sa yayain akong bumuo ng clan. Anim kami noon at bago pa lamang akong myembro. Hindi nagustuhan ng mga kasama ko ang pamamalakad sa clan na sinalihan namin kaya nagdesisyon sila na umalis na sa clan na iyon at bumuo ng bago. Kaming anim ang naging opisyal ng clan at ako ang nagmungkahing B-men ang maging pangalan ng clan. Naisip ko kasi na para kaming X-men, na “mutants” sa lipunan. Ang “mutants” ay kakaiba sa lahat at madalas ay nakukutya at hinuhusgahan ng lipunan tulad ng mga bakla at bi. Bukas sa interpretasyon ang B-men at walang depenidong kahulugan. Maaaring “bisexual men,” “beautiful men,” “baklang pa-men,” o “be men.” Mahigit sa tatlong taon na ang B-men ngayon at matatag pa rin ang aming samahan. Isa pa sa maganda sa clan lalo na sa B-men, napakalayo na nang mararating ng bente pesos mo. 

Naihahalintulad din ang clan sa isang fraternity na isang kapatiran. Ang kapatiran ang pinakanilalaman ng misyon at bisyon ng isang clan. Kung mapapansin, ang kapatiran ay hango sa salitang kapatid na isang myembro ng pamilya. Kahit magkakaibigan lamang ang mga myembro ng clan, dahil sa misyon at bisyong ito ay nagiging magkakapatid ang hangaring pagtuturingan sa loob ng clan. 

Isa pa sa mahalagang bubuo sa clan ay ang mga batas. Ang mga batas na ito ang siyang magtatakda ng limitasyon ng mga myembro. Gagabay ito sa kanila nang sa gayon ay hindi sila matanggal o ma-terminate sa clan. Ang pinaka-esensya ng batas ay ang paggalang sa bawat isa. Sa ganang ito, makikitang nakabuo na ang clan ng sarili nilang sistema na kung sinumang pumasok sa sistemang ito ay nararapat lamang na sumunod dahil kung hindi ay maaari silang umalis nang kusa o ma-terminate.

Hindi basta-basta ang pagsali sa clan. Ang mga taong gustong mapabilang dito ay daraan pa ng isang “screening test”. Ang mga opisyal sa pamumuno ng Founder ang makikipagpanayam sa mga newbies. Sila ang magbibigay ng oryentasyon tungkol sa pamamalakad sa clan. Kung pasado sa istandard ng namumuno ay mapapa-welcome agad ang isang newbie. Ang pagpapa-welcome ang tawag sa proseso ng pagpasok sa clan. Kapag pinawelcome na ang isang tao, nangangahulugan lamang ito na bahagi na siya ng clan. Isa itong kaugalian din ng pamilyang Pilipino. Ang pagiging hospitable natin sa pagtanggap at pagbibigay-importansya, lalo na sa mga bisita o sa mga bagong dating. Bahagi ito ng pakikipagkapwa nating mga Pilipino.

Ang ibang mga clan ay nagiging mahigpit sa itsura. Tinitingnan muna ang mga Facebook accounts ng mga gustong sumali. Ang pagiging mapili naman ng mga clan sa kanilang myembro ay isa lamang pagsisiguradong magagampanan ng mga newbies ang mga hinihingi ng clan. Dahil sa clan, dalawang bagay ang mahalaga, una ay ang pagpapadala ng pangkalahatang mensahe sa lahat ng myembro. Tatlong GM ang kinakailangang ipadala ng isang myembro kada araw o kaya ay labinlimang GM kada linggo. Ang ikalawa ay ang pagdalo sa GEB. Mahalaga ito sapagkat dito mas makikilala ang isang myembro at dito masusubok kung makakayang makisalamuha ng bagong myembro sa mga dati ng mga myembro.

Ang pagganap sa mga tungkulin sa clan ay kailangan gawin sapagkat una at higit sa lahat, wala namang pilitan sa pagpasok sa clan. Kaya dapat maging buo ang paglalaan ng sarili dito dahil sarili itong desisyon ng myembro. Parang utang na loob ang pagpasok rito dahil makikinabang ang mga sumali sa pinaghihirapan ng mga bumuo ng clan. Ang benepisyong tinutukoy ko ay ang tsansang maaaring matagpuan ng isang tao sa clan ang tunay niyang kaibigan, pwede ring isang katalik at higit sa lahat, ang taong magmamahal sa kanya. Pero, utang na loob din ng mga opisyal ang pagsali ng isang myembro sa clan dahil kapag walang myembro ang clan, mamatay ito o madidisolba. Ang pagpasok at paglabas sa clan ay napakabilis kaya patuloy din ang pagpapalit-palit ng mga tao. Pero hangga’t myembro ang isang indibidwal sa clan, kailangang makisama at gawin ang mga tungkulin bilang isang myembro.

Text Clan - SEQUENCE 13: CLAN / UNLI DAY AND NIGHT / INT-EXT - B-men

Huwebes, Marso 29, 2012

SEQUENCE 12: DAMUHAN / TAKIPSILIM / EXT

Hindi ako magpapakabayani, pero susulat pa rin ako. Susulat pa rin ako, hindi lang sa mga bangkang papel para paanurin ang aking hinanakit sa tubig, kung hindi pati na rin sa mga saranggola para paliparin sa hangin ang nais kong ipabatid. Sa ngalan ng panitikan baka may makabasa ng aking saloobin, baka lang.

Patuloy tayong ginagahasa ng mga maligno, Pilipino sa Pilipino. Pilit dinudungisan ang ating lahi. Hubad na katotohanan na ang kanilang korapsyon, pero wala tayong magawa kung hindi panoorin ang kanilang panghahalay. Panoorin ang pagsalsal ng kanilang mga burat sa ating harapan at ipamudmod sa ating mga mukha ang kanilang kabuktutan. Wala man lamang tayong kalaban-laban.

Nagtitiis na lamang tayo, nagtitiyagang maghirap. Pinagkakasya ang galunggong sa araw-araw, kung minamalas nga ay wala pa. Nanlilimos sa kalsada imbis na mag-aral sa silid-aklatan, nagnanakaw imbis na maghanapbuhay, at nagpupumilit maging iskwater imbis na magpundar ng sariling bahay. Wala man lang din akong nararamdamang ginagawa ng iba't ibang kagawaran ng gobyerno para sugpuin ang kahalayang ito. Sana, may MTRCB din para sa mga tiwaling opisyal ng pamahalaan.

Sa hinuha ko, daig pa nito ang isang sex scene sa damuhan ng isang panget na pelikula - karumal-dumal. Tila kahit liwanag ng kulisap ay hindi na maiilawan ang dilim na ating kinakasapitan. Larawan na talaga ng korapsyon ang Pilipinas kong Mahal. Ang dating "Perlas ng Silangan", "Basura ng Silangan" na ngayon, wala ng halaga. Nasanay na ang mga Pilipino na magpagahasa, kahit noong pang panahon ng mga dayuhan. Mayroon din namang ilang umaalma, pero ang karamihan, nagpapakantot na lang ng libre, hindi na pumapalag. Nakakalungkot.


Lahok para sa "Bagsik ng Panitik" contest ng Damuhan

Miyerkules, Marso 28, 2012

SEQUENCE 11: STARLITES / GABI / INT

Hindi ko siya kilala pero magkatabi kami, hindi nagpapansinan. Mas pinapansin niya pa ang bote ng beer kaysa silayan ako ng kaunting tingin at makipag-usap sa akin. Nagkasama na rin kami noon sa isang inuman, sa may Pasig, doon ko siya unang nakita at doon niya unang napukaw ang aking pansin. Mukha siyang masungit sa unang tingin, siguro, dahil tahimik siya at hindi umiimik. Gagalaw lang siya kapag inaabot na sa kanya ang tagay. Mukha naman siyang mabait, siguro, dahil nakaupo lang siya sa isang tabi. Kaya naman para sa akin, hindi siya mahirap magustuhan. Kaya lang, kasama siya ng kaibigan ko kaya ako na lang ang kusang umiwas ng tingin. Ngayong magkasama kami uli, para lang akong latak sa kanyang iniinom na beer, hindi napapansin. Sana beer na lang ako para ako ang tinutungga niya at pinagtutuunan niya ng pansin.


Nagtataka tuloy ako. Hindi naman mabaho ang hininga ko para hindi siya makipag-usap sa akin at lalong hindi naman ako panget para hindi man lang niya alayan ng pagtingin. Bigla tuloy sumagi sa isip ko kung ano kayang maaaring naging dahilan kung bakit hindi sila nagkatuluyan ng kaibigan ko. Masyado niya na akong pinag-iisip. Malamang siya, iba ang kanyang iniisip. Wala man lang siyang kamalay-malay na kanina pa siya tumatakbo sa utak ko. Sige lang ang subo niya sa sisig na kanyang pinupulutan. Sana ako na lang ang pinupulutan niya at baka mas nag-enjoy pa siya. O kaya sana ako na lang ang kutsarang dumadampi sa kanyang labi. Sana lang.


Dedmahan ang labanan kaya nakapagdesisyon akong huwag kong sayangin ang gabi. Naglasing ako at umindak sa ingay ng mga nagsasayawan sa dancefloor. Nakipagsiksikan, nakipaggitgitan sa pagtaas ng kamay. Hanggang sa may humawak ng aking bewang mula sa aking likuran. Normal naman ang ganung eksena sa Starlites. Kaya tuloy pa rin ang aking paggiling. Hanggang sa hinalikan niya ang aking leeg at sabay bulong sa aking tenga ng "Mahal kita!" Bumilis ang tibok ng aking puso dahil sa pamilyar na boses na aking narinig. Kaya hindi na 'ko nagdalawang isip na lumingon agad upang makita ang kanyang mukha.


Tama ako! Ang halimaw kong ex na nanloko sa akin ang nagmamay-ari ng boses na 'yon. Pinagtitripan na naman ako. Umalis agad ako at iniwan ang magulong dancefloor. Bumalik na lamang ako sa pagkapipe, sa aking inuupuan. Nandun pa rin siya. Parang hindi gumalaw, parang hindi man lang pumunta ng CR. Mas nanaisin ko pang manahimik na lang dito sa kinalalagyan ko kaysa isiksik ang sarili ko sa gulo na aking pinanggalingan.


"Bakit ka malungkot?," tanong niya sa akin. Nagulat ako at bigla niya akong kinausap. "Wala," pakipot ko. "Ayokong malungkot ka," aniya niya. "Ha? Hindi kita marinig!," pa-cute ko sa kanya. Lumapit siya sa akin, "Sabi ko, ayokong malungkot ka." " Naku! Lasing ka lang! Halikan kita diyan e!," biro ko sa kanya. Hanggang sa magkatitigan kami at nangyari na lang ang nangyari. Naghalikan na para bang wala ng bukas, na para bang walang ibang tao sa paligid. Unang kita niya pa lang daw sa akin, nagustuhan niya na ako at nais niya akong maging kasintahan. Syempre, hindi na 'ko nagpakiyeme pa, kinilig na 'ko, e 'di umoo na ako. 


Para bang wala ng katapusan ang gabing iyon, hanggang sa nag-umaga na. Nakatulog, hanggang sa magising. Nawala na ang amats niya, nawala na rin ang alaala niya sa gabing nagdaan.



Martes, Marso 13, 2012

SEQUENCE 10 (BED SCENE): KAMA / GABI / INT

Umuulan na naman, nararamdaman ko na naman ang lamig ng pag-iisa. Naaalala ang yakap na minsan ay nagpainit sa akin noong tag-ulan. Pero iba na ang kanyang yakap ngayon, hindi na ako, at marahil, hindi na muling magiging ako. Ayoko na! Hindi na ko papayag na magpayakap pang muli. Kahit man lang maisip ay 'di ko na nais pang balikan ang yakap na iyon. Ang kanyang yakap na nagdulot ng pasa at sugat sa aking nananahimik at nagpapakatangang puso. Sa mahigpit na yakap na parang wala ng kawala. Tiniis ko pati ang kanyang mga halik, ang kanyang mga kagat sa aking labi, ang kanyang pagsipsip sa aking dila na sa simula lamang nakakapanabik.

Hindi ako makahinga, nalulunod ako sa kanyang laway. Buong mukha ko'y basang-basa na, hindi ng pawis, kundi ng kanyang laway. Lahat ng linalaway at binubula niya, buong puso kong nilulunok dahil sa pagmamahal sa kanya. Hindi na 'ko nagsalita, hindi na rin umangal. Tinanggap ko ang lahat. Sa tuwing sasagot at tataliwas kasi ako sa kanyang mga sinasabi ay gagantihan niya ito. Roromansahin niya ako sa tuwing kami'y magtatalik. Ang kamay niya sa aking pisngi, dahan-dahang humahaplos, at saka unti-unting ididiin sa aking mukha ang kanyang mga kuko, sabay hahablutin ng kanyang isa pang kamay ang aking buhok na para bang hinuhugot ito sa aking anit. Pagtatangkaan akong marami siyang pwedeng ipalit sa akin.

Hahatakin ako, igagapos na para bang hayop sa kanyang sabsaban. Itinuloy niya na ang kanyang pangroromansa, sinimulan sa pangil sa aking leeg, palad sa aking panga, siko sa aking dibdib, ngipin sa aking utong, kamao sa aking tagiliran, tuhod sa aking tiyan, paa sa aking ulo, hanggang kuko sa aking singit. Hindi pa siya nakontento. Nais pa niyang ako ang lumuhod at magmakaawa. Nagmakaawa naman ako dahil 'yon ang kahilingan niya, lumuhod sa kanyang harapan. Isinubo ang kanyang burat nang sagad na sagad. Kahit naduduwal na ako, sige pa rin ang pag-tsupa ko sa kanya. Tigas na tigas ang kanyang ari. Sarap na sarap siya sa aking ginagawa nang hindi man lang naiisip ang aking nararamdaman. Ang mahalaga para sa kanya, siya ang nasa itaas at ako ang nasa ibaba, sumusunod sa lahat ng kagustuhan niya.

Malapit na siyang labasan. Nais niyang upuan ko ang kanyang trono. Kahit masakit, pikit-mata kong ipinasok ang aking sarili sa kanya para lang maranasan ang maupo sa kanyang posisyon. Sa pagkakataong iyon, kahit sa isang saglit na iyon, nabaligtad ang aming mundo. Sinamantala ko ang kanyang kahinaan. Ako na ang nasa ibabaw, ako na ang kontrolado sa aming sitwasyon. Sa nais kong maipantay ang aking sarili sa kanya, nilabanan ko ang sakit. Bahala na kung anong mangyari. Mangyayari na lang ang dapat mangyari. Hanggang sa nangyari na ang inaasahan. Habang wala siyang magawa at walang kalaban-laban. Nagbate ako. Isinalsal ko ang lahat ng aking galit sa kanyang mukha hanggang sa lumabas lahat ang nagtatagong init sa aking damdamin.

Tapos na! Pero masakit pa rin.


Sabado, Pebrero 25, 2012

SEQUENCE 9: BUHAY PATAY/ KWARTO / GABI / INT


Ako ay nanlulupaypay
sa aking pagkalumbay
nang ako ay mawalay
sa aking nag-iisang buhay.
Tila di’ na ko sanay
na pag-ibig ay mawalan ng kulay
dahil tapat akong tunay
sa pinakatangi kong taglay.
Dito sa aming barangay
sa loob ng aking bahay,
ako ay nakaratay
na parang isang patay.
Matiyagang naghihintay
na ako ay mailagay
sa malalim na hukay
na sa akin ay inialay.
Sa aking paglalakbay,
ikaw ay naging gabay.
Buhay ay walang kapantay.
Salamat sa pakikiramay!

SEQUENCE 8 (DREAM SEQUENCE): GANG BANG SA BAMBANG / BUKANGLIWAYWAY / INT


Nakapatong,
sabay-sabay,
patong-patong,
paisa-isa,
waring kasangkapan
na paulit-ulit na naaapakan.

Walang liwanag sa aking mga mata.
Umaalon ang mga talahib sa burol.
Lumabas ang ambon!
Umupo ako sa lilim,
ibig takasan ang ambon.

Ilang beses kong nauulinig
ang kanilang mga boses,
biglang katahimikan,
wala palang tao,
kaluskos lang ng mga ibon.

Makikita ko ang sarili,
hanggang sa magdugo,
hanggang sa nababasa,
nawiwisikan ng ulan,
wari bang nagkalat sa bawat sulok,
bubuklatin,
matutuklasan kong wala na palang laman,
nagpaalam na,
pumanaw sa aking harapan.

Yayakapin ako ng aking pag-iisa.
Tapos na!
Magigising ako.
Pinabayaan na animo libag.