Huwebes, Marso 29, 2012

SEQUENCE 12: DAMUHAN / TAKIPSILIM / EXT

Hindi ako magpapakabayani, pero susulat pa rin ako. Susulat pa rin ako, hindi lang sa mga bangkang papel para paanurin ang aking hinanakit sa tubig, kung hindi pati na rin sa mga saranggola para paliparin sa hangin ang nais kong ipabatid. Sa ngalan ng panitikan baka may makabasa ng aking saloobin, baka lang.

Patuloy tayong ginagahasa ng mga maligno, Pilipino sa Pilipino. Pilit dinudungisan ang ating lahi. Hubad na katotohanan na ang kanilang korapsyon, pero wala tayong magawa kung hindi panoorin ang kanilang panghahalay. Panoorin ang pagsalsal ng kanilang mga burat sa ating harapan at ipamudmod sa ating mga mukha ang kanilang kabuktutan. Wala man lamang tayong kalaban-laban.

Nagtitiis na lamang tayo, nagtitiyagang maghirap. Pinagkakasya ang galunggong sa araw-araw, kung minamalas nga ay wala pa. Nanlilimos sa kalsada imbis na mag-aral sa silid-aklatan, nagnanakaw imbis na maghanapbuhay, at nagpupumilit maging iskwater imbis na magpundar ng sariling bahay. Wala man lang din akong nararamdamang ginagawa ng iba't ibang kagawaran ng gobyerno para sugpuin ang kahalayang ito. Sana, may MTRCB din para sa mga tiwaling opisyal ng pamahalaan.

Sa hinuha ko, daig pa nito ang isang sex scene sa damuhan ng isang panget na pelikula - karumal-dumal. Tila kahit liwanag ng kulisap ay hindi na maiilawan ang dilim na ating kinakasapitan. Larawan na talaga ng korapsyon ang Pilipinas kong Mahal. Ang dating "Perlas ng Silangan", "Basura ng Silangan" na ngayon, wala ng halaga. Nasanay na ang mga Pilipino na magpagahasa, kahit noong pang panahon ng mga dayuhan. Mayroon din namang ilang umaalma, pero ang karamihan, nagpapakantot na lang ng libre, hindi na pumapalag. Nakakalungkot.


Lahok para sa "Bagsik ng Panitik" contest ng Damuhan

9 (na) komento: