Andito ako ngayon. Nag-aabang ng masasakyan. Pero 'di ko pa alam kung saan ako pupunta. Tila pansamantala akong naipako sa aking kinalalagyan. Nahihiwagaan kung paano nga ba ako nakarating sa lugar na aking kinauupuan? Ano nga ba talagang nangyare? Paano ako nakarating dito? Parang nakalimutan ko na ang lahat ng nangyari, na kung hindi ko sasadyaing isipin, hindi ko maaalala. Naglakad ba 'ko o sumakay? At saka bakit ako nag-iisa? Maraming taong nakapalibot sa'kin pero hindi ko sila kilala. Nag-aabang din sila ng masasakyan. Pinagmamasdan ko lang ang bawat galaw nila. Maraming nagmamadaling makasakay. Pero iba't ibang direksyon ang kanilang pinatutunguhan, iba't ibang byahe ang kanilang sinasakyan. Pero may iba ring tulad ko na hindi pa nakakapagdesisyon kung saan papunta. Naghihintay na lang din ng kung anong magaganap.
Parang nangyari na lang ang mga dapat mangyari. Paggising ko, andito na agad ako, nakaupo. Pero ano ba talagang ginawa ko para umabot o bumagsak sa aking narating? May ginawa ba 'ko? Parang nakatakda at nakatadhana na ang lahat ng dapat na mangyari at ang kinailangan ko na lang gawin ay mabuhay. Minsan, naiisip kong kontrahin ang nakatadhana sa akin, na imbis na dumiretso ako ay lumiko na lang ako. Hindi kaya ako maligaw? Huwag naman sana pero hindi na 'ko p'wedeng bumalik muli at umulit sa simula. Wala na ang pagkakataon na 'yon. Lipas na. Kailangan kong umusad. Pero kailangan ko pa munang alalahanin ang aking dinaanan at matutunang lingunin ang aking pinanggalingan para malaman ko ang aking patutunguhan. Ang aking pinagmulan ang bubuo sa aking pagkatao.
Kung may kasama lang sana ako, may nakatulong sana sa'kin na hanapin ang sarili ko. Mas mapapaintindi niya siguro sa akin ang mga nangyayari. Sana tabihan niya ako ngayon. Gusto kong kilalanin namin ang isa't isa. 'Yung tipong hindi na namin mapapansin ang paglipas ng oras at ang paggalaw ng ibang tao. 'Yung kahit hindi ako gutom, kakain ako para magkasabay kami. 'Yung kahit maglakad kami ng malayo, hindi kami mapapagod at hindi na rin namin kailangan intindihin kung saan kami pupunta sa oras na 'yon. At saka 'yung kahit ang luwag ng espasyo, pilit naming sinisiksik ang isa't isa. Ang mahalaga lang, may kasama ako, kasabay ko sa pagtahak ng hinaharap na landas.
Pero nasaan na nga ba siya? Iniwan niya na ba 'ko? Baka isa siya doon sa mga nagmamadali kanina at nauna na siyang sumakay ng dyip o kaya ng bus? Baka naman naharangan siya ng ibang tao kaya hindi ko siya nakita. P'wede rin namang hindi pa lang talaga siya dumarating. Hindi lang siguro ito ang masuwerteng araw para sa'kin. Pero kailan kaya siya darating? Hanggang kailan naman ako maghihintay? Kailangan ko bang hanapin siya mismo? Ano kayang itsura niya? Papansinin niya kaya ako? Magugustuhan? Ako ba ang unang lalapit o siya? Kailangan ko ba siyang asahan? Aasa ba 'ko? O baka naman kailangan ko ng itigil ang pag-iilusyon.
Andito ako ngayon, naghihintay pa rin ng aking susunod na gagawin. Pero ano nga bang naghihintay para sa'kin? Meron ba? Pero kung ano man 'yon, tuloy pa rin ang pag-ikot ng mga sasakyan. Tuloy din ang pag-ikot ng mga katanungan sa aking isipan. Kahit wala na 'ko dito, walang makakapansin. Iikot pa rin sila. Bibiyahe para mabuhay. Gan'un din ako. Maglalakad, sasakay, may kasabay man o wala. Pipiliting makipagsapalaran. Mabubuhay. Maglalakbay patungo sa mga kasagutan, dala ang pag-asa na makakarating ako doon, kung saan man 'yon.
Naku, may naliligaw na kuting.
TumugonBurahinhi nice post. visit me back. www.lettersformike.wordpress.com
TumugonBurahin