Miyerkules, Hunyo 27, 2012

SEQUENCE 16: LIMANG MINUTO / JEEP / GABI / INT

Limang minuto lang kaming nagkita. Hindi niya man lang ako kinausap, hindi man lang niya ko tinitingnan. Para bang may malaki akong kasalanan na nagawa sa kanya. Hindi rin ako makatingin sa kanya. Nahihiya ako. Pasulyap-sulyap lang ang tingin ko sa kanya. Pasimple kong tinititigan ang salamin kapag nasa malayo ang kanyang tingin, naghahangad ng kanyang pansin. Gustong-gusto kong sulitin ang pagkakataong iyon dahil baka hindi na kami magkitang muli. Ayaw ko matapos ang lahat ng ganun-ganun na lang. Kung kaya ko lang patigilin o pahabain ang oras, gagawin ko, basta makasama lang siya nang mas matagal. Hinding-hindi ko makakalimutan ang bawat sandaling iyon, lalo na ang bawat bahagi ng kanyang mukha. Inukit ko na ito sa aking isipan para sa tuwing pipikit ako, ang mukha niya ang tangi kong maaaninag. Mabuti na lamang mabagal ang takbo ng dyip. Hindi ko na nga napapansin ang drayber, parang kaming dalawa lang ang magkatabi. Pati ang ingay ng mga tao sa aming likuran ay hindi ko na napapansin, tanging ang paghinga lamang niya ng malalim ang aking naririnig. Sa bawat pag-ihip ng hangin, nalalanghap ko ang amoy ng kanyang pabango. Ginawa kong singhutin lahat ng kaya kong singhutin dahil alam kong baka hindi na kami muling magkita. Malamang kung muli man magtagpo ang aming landas sa daan, natitiyak kong hindi niya ko papansinin. Iiwasan niya ako tulad ng lubak sa kalsada. Gusto ko sanang subukang kausapin siya pero nagdadalawang-isip ako, naguguluhan sa pwedeng mangyari kaya pinili kong manahimik na lang at tanggapin ang katotohanan. Nalulungkot ako kung bakit nangyayari sa akin ito. Lagi na lang akong umaasa na may magmamahal pa sa akin. Akala ko nga siya na, pero...

Bigla siyang pumara sa tabi at bumaba ng dyip. Nagmamadali. Gusto ko sanang pigilan siya pero huli na ang lahat. Nandoon ang aking panghihinayang na sana ay nasabi ko ang aking nararamdaman. Wala na siya. Hindi na muling babalik. Ni hindi man lang lumingon para sa isang huling sulyap. Sayang! Sayang at hindi ko man lamang nalaman ang pangalan niya.

2 komento: