Lunes, Agosto 20, 2012

SEQUENCE 17: KULONG / KWARTO / ARAW-GABI / INT

Kasalanan ko, umibig ako. Hinayaan kong ikulong ang aking sarili, ang aking pag-ibig. 

Perpekto ang lahat sa simula, maituturing na isang paraiso, langit kumbaga. Hindi man kalakihan ang kwartong aming pinagsasaluhan, sapat na ang espasyong ito para sa aming dalawa. Hindi masikip, hindi maluwag. Ito ang nilikha naming mundo, ang mundong nilikhang ng aming pag-ibig.

Piping saksi ang bawat sulok ng kwarto sa aming pagmamahalan. Lahat-lahat ay nakita nito, narinig, naamoy, at naramdaman. Ang silid na ito lamang ang nakakaalam ng aming nararamdaman, wala ng iba. Walang ibang nakakaalam na nagmamahalan kami kundi ang mga unan, baso, plato, tabo, inidorong ginagamit namin, ang mga ipis at butiking nagsisidaanan, at pati na rin ang sahig na aming hinihigaan. 

Gusto ko man ipagsigawan sa buong mundo na mahal ko siya, hindi ko magawa. Magmumukha lang akong tanga. Magmumukha lang akong gumagawa ng istorya. Gusto ko sanang ipangalandakan at ibahagi sa kalsada, sa dyip, sa bus, sa mall, sa puno na kaming dalawa pero ayaw niya. Mas gusto niyang manatili sa kanyang munting palasyo, magpahinga, at magkulong.

Kapag nag-iisa na ko at hindi ko na siya kasama, hindi ko mapigilan ang sarili ko na mag-isip tungkol sa kanya at maghanap ng pagpapadama ng pagmamahal niya. Hindi man lang kasi siya nagtetext o nag-uupdate ng status, dahil wala siyang Facebook at Twitter. Kala ko okay lang na gan'un, makakaya ko. Pero nawawala 'yung kilig, nawawala 'yung landi na hinahanap ko. Nakukulangan ako. Parang gusto kong kumawala sa pagkakakulong. Pero sa tuwing bumabalik ako sa aming kanlungan, nakakalimutan ko ang lahat ng hinanakit ko, lahat ng pagnanais kong kumawala. Isa pa rin ang kinakahantungan ng lahat, mahal ko nga talaga siya.

Pero hanggang kailan tatagal ang ganito? Gusto ko ng pag-unlad sa aming relasyon pero nakakahon kami, nakakulong sa sarili naming mundo. Walang ibang meron, kundi ang isa't isa. Sapat na nga ba 'yun?


 

7 komento:

  1. Tanungin mo lang lagi ang sarili mo, "Masaya ka ba?" Ganoon lang kasimple. Simple lang din ang sagot lagi. Ang hindi madali, ang tanggapin ang pagkasimple ng sagot. Huwag mong pigilan ang sagot na iyon dahil sayang o malungkot o nakakatakot o kuntento ka na sa tingin mo. Walang taong nakukuntento. Maglakas-loob na tumanggap. Magpaubaya sa maiibigay ng buhay. Huwag magpaka-bitter o mag-play safe ng mahabang panahon. Matuto sa lahat ng nangyayari sa iyo. Lakasan ang loob na sabihing totoong masaya ka, Josh. Iyan lang naman ang point ng buhay e. :)

    TumugonBurahin
    Mga Tugon
    1. Nakakapagod lang ang paikot-ikot, paulit-ulit na mga eksena. Kelan ba titigil ang siklong ito? Lagi na lang bang ganito? Tila walang katapusan. Pero patuloy pa rin akong umaasa sa balang araw. :)

      Burahin
  2. mahirap na katanungan. Nakakatuwang iniisip na iba na sapat na kayong dalawa para tumagal ang isang magandang bagay. Pero sa isip ko, sapat na iyon, magiging sapat yun kung hindi nararamdaman ang kakulangan kasi kapag naramdaman un, hmm... hindi yun ang hinahanap mo. hindi yun ang gusto mo. sa tingin ko, iba yun.

    TumugonBurahin
    Mga Tugon
    1. mas mahirap kapag 'yun na ang nararanasan mo. Ang kabalintunuan nga naman ng buhay. Lagi na lang may mali. Kelan ba magiging tama ang lahat?

      Burahin
    2. hmm... hindi naman siguro magiging tama ang lahat, parang ang perfect na ng buhay kung ganun. malas natin hindi perfect ang buhay, ang mahalaga lang natututo tayo sa lahat ng kamalian, nakikilala ang sarili lalo at mas nagiging handa sa mga bagay na darating pa.

      Burahin
    3. Siguro nga idealistic lang talaga ako. Ang hirap!

      Burahin
  3. Naalis ng may-ari ang komentong ito.

    TumugonBurahin