Magsisimula na ang palabas at
tumayo na ang lahat para sa pambansang awit ng Pilipinas pero hindi niya pa rin
ako pinapansin. Ngayon lang kami ulit nagkita ng Mahal Ko na dating ako rin ang
kanyang mahal. Kahit matagal na kaming nagkahiwalay, Mahal Ko pa rin ang tawag
ko sa kanya. Para kasi siyang baterya sa aking
relo na nagpapatakbo ng aking oras. Ngayong wala na siya sa aking tabi ay tila
huminto na ang pag-ikot ng aking mundo.
Tila
itinakda ng pagkakataon ang aming pagkikita. Manunuod kami ng dula tungkol sa
pag-ibig sa Wilfrido Ma. Guerrero Theater sa AS. Hindi ako mapalagay. Mabilis
ang pagtibok ng aking puso at parang nilagyan ng speakers ang ipod nang marinig
kong mas lumalakas ang tunog nang pagpintig ng aking puso. Mas kinabahan ako
nang bigla siyang sumulyap sa aking kinalalagyan. Kung gagamit lang ako ng
headset sa cellphone, mas maririnig ko ang pagdagundong nang isinisigaw na
aking puso. Pero syempre hindi ako nagpahalata at sinuklian ng ngiti ang
kanyang pagtingin, pero, hindi pala siya sa akin nakatingin. Naramdaman ko na
para akong remote sa kanyang t.v. na ok lang na kung naririyan at pwede ring
wala. Pero kung ako man ang remote sa kanyang t.v., sisiguraduhin kong mas giginhawa
ang kanyang buhay, pero iba ang aking nararamdaman. Nararamdaman kong para
lamang akong virus sa kanyang computer na pinipilit niyang burahin sa kanyang
isipan.
Sa
pagkakataong ito, para akong tinanggalan ng mikropono sa videoke dahil
nahihirapan akong makaiskor sa Mahal Ko. Gusto kong humingi ng tawad sa kanya
pero hindi ako pinahihintulutan ng sitwasyon. Kung sabagay, kasalanan ko naman
ang lahat. Mas pinili kong mahalin ang aking sarili kaysa pagtuunan siya ng
pansin kaya ngayon sa ibang kandungan siya nakahanap nang pupuno sa aking mga
pagkukulang.
ganda nito... :)
TumugonBurahin