Miyerkules, Marso 28, 2012

SEQUENCE 11: STARLITES / GABI / INT

Hindi ko siya kilala pero magkatabi kami, hindi nagpapansinan. Mas pinapansin niya pa ang bote ng beer kaysa silayan ako ng kaunting tingin at makipag-usap sa akin. Nagkasama na rin kami noon sa isang inuman, sa may Pasig, doon ko siya unang nakita at doon niya unang napukaw ang aking pansin. Mukha siyang masungit sa unang tingin, siguro, dahil tahimik siya at hindi umiimik. Gagalaw lang siya kapag inaabot na sa kanya ang tagay. Mukha naman siyang mabait, siguro, dahil nakaupo lang siya sa isang tabi. Kaya naman para sa akin, hindi siya mahirap magustuhan. Kaya lang, kasama siya ng kaibigan ko kaya ako na lang ang kusang umiwas ng tingin. Ngayong magkasama kami uli, para lang akong latak sa kanyang iniinom na beer, hindi napapansin. Sana beer na lang ako para ako ang tinutungga niya at pinagtutuunan niya ng pansin.


Nagtataka tuloy ako. Hindi naman mabaho ang hininga ko para hindi siya makipag-usap sa akin at lalong hindi naman ako panget para hindi man lang niya alayan ng pagtingin. Bigla tuloy sumagi sa isip ko kung ano kayang maaaring naging dahilan kung bakit hindi sila nagkatuluyan ng kaibigan ko. Masyado niya na akong pinag-iisip. Malamang siya, iba ang kanyang iniisip. Wala man lang siyang kamalay-malay na kanina pa siya tumatakbo sa utak ko. Sige lang ang subo niya sa sisig na kanyang pinupulutan. Sana ako na lang ang pinupulutan niya at baka mas nag-enjoy pa siya. O kaya sana ako na lang ang kutsarang dumadampi sa kanyang labi. Sana lang.


Dedmahan ang labanan kaya nakapagdesisyon akong huwag kong sayangin ang gabi. Naglasing ako at umindak sa ingay ng mga nagsasayawan sa dancefloor. Nakipagsiksikan, nakipaggitgitan sa pagtaas ng kamay. Hanggang sa may humawak ng aking bewang mula sa aking likuran. Normal naman ang ganung eksena sa Starlites. Kaya tuloy pa rin ang aking paggiling. Hanggang sa hinalikan niya ang aking leeg at sabay bulong sa aking tenga ng "Mahal kita!" Bumilis ang tibok ng aking puso dahil sa pamilyar na boses na aking narinig. Kaya hindi na 'ko nagdalawang isip na lumingon agad upang makita ang kanyang mukha.


Tama ako! Ang halimaw kong ex na nanloko sa akin ang nagmamay-ari ng boses na 'yon. Pinagtitripan na naman ako. Umalis agad ako at iniwan ang magulong dancefloor. Bumalik na lamang ako sa pagkapipe, sa aking inuupuan. Nandun pa rin siya. Parang hindi gumalaw, parang hindi man lang pumunta ng CR. Mas nanaisin ko pang manahimik na lang dito sa kinalalagyan ko kaysa isiksik ang sarili ko sa gulo na aking pinanggalingan.


"Bakit ka malungkot?," tanong niya sa akin. Nagulat ako at bigla niya akong kinausap. "Wala," pakipot ko. "Ayokong malungkot ka," aniya niya. "Ha? Hindi kita marinig!," pa-cute ko sa kanya. Lumapit siya sa akin, "Sabi ko, ayokong malungkot ka." " Naku! Lasing ka lang! Halikan kita diyan e!," biro ko sa kanya. Hanggang sa magkatitigan kami at nangyari na lang ang nangyari. Naghalikan na para bang wala ng bukas, na para bang walang ibang tao sa paligid. Unang kita niya pa lang daw sa akin, nagustuhan niya na ako at nais niya akong maging kasintahan. Syempre, hindi na 'ko nagpakiyeme pa, kinilig na 'ko, e 'di umoo na ako. 


Para bang wala ng katapusan ang gabing iyon, hanggang sa nag-umaga na. Nakatulog, hanggang sa magising. Nawala na ang amats niya, nawala na rin ang alaala niya sa gabing nagdaan.



7 komento:

  1. Im pretty sure he remembers it, but is too afraid to admit it. :)

    TumugonBurahin
  2. i like the first part when the storyteller suppresses his feelings. ngunit isang balintuna na pareho lamang pala sila ng nararamdaman para sa isa't isa. napakaromantiko. kinikilig ako. nakaka-inlove.

    visit my blog: malikhaingmanunulat.blogspot.com

    TumugonBurahin
    Mga Tugon
    1. hehe salamat sa pagbasa. Sige check ko rin blog mo minsan. ;) Hopeless romantic kasi ako kaya ganyan. hehe

      Burahin
  3. I REALY LOVE IT..ang lakas makapagpakilig ng bisexual..hehe.!
    im a fan na MR.JOSH MANUEL..hope to meet you.! :)

    TumugonBurahin