Kasabay ng paglabas ng mga cellphones noong huling bahagi ng dekada 90 ang
pag-usbong ng mga text clans.
Hindi naman mabubuo ang mga text
clan kung wala pang
teknolohiyang gagamitin para sa pagtetext. Bukod sa pagpapakalat ng text clans sa pasalita, naging daan din ang
telebisyon pati internet para sa panghihikayakat na sumali sa
mga text clans. Noong
magsimula ito, nagkaroon ng konotasyon ang pagsali sa clan sa pagiging jologs.
Marahil, hinalaw ang obserbasyong ito sa mga itsura ng mga dumadalo sa mga GEB at
pati na rin sa kanilang pag-iistambay ng matagal doon nang walang ginagawa. Gayunpaman, hindi pa rin napigil ang
paglaganap ng clan, at sa ganang ito, nakabuo ang mga homosekswal at bisekswal
ng sarili nilang bersyon ng clan na umiral noong pagpasok ng bagong milenyo.
Sa
pormal na pananaw, ikinakabit ang clan sa relasyon ng magkakadugo o
magkakamag-anak. Hindi naman maihihiwalay ang pagturing nating mga Pilipino sa
taong malalapit sa atin bilang kapamilya. Lalo na sa isang lugar, halos
magkakamag-anak ang lahat ng nakatira sa isang karsada. Kahit malayo na ang
kaugnayan ay tinuturing pa ring kapamilya. Mahalaga para sa atin ang konsepto
ng isang pamilya dahil sa ating “close-family ties.” Kaya hindi
maitatanggi na sanay na sanay ang mga Pilipino sa pakikipagkapwa.
Hindi
maaaring mag-isa ang Pilipino, lagi nating gustong may kasama tayo. Nahihirapan
tayo kapag nawawalay tayo sa ating pamilya dahil lagi silang nariyan simula ng
mga bata pa lang tayo. Kahit saan man tayo pumunta, gusto nating kasama ang mga
mahal natin sa buhay. Sa lahat ng ginagawa natin, laging iniisip natin ang
ating mga pamilya kung ano ang iisipin at mararamdaman nila.
Isa sa mga pangunahing dahilan kung
bakit sumasali ang isang indibidwal sa clan ay dahil sa pakikipagkaibigan.
Tulad na lamang ng pagsali ng mga estudyante sa mga organisasyon sa kanilang
paaralan, sumasali rin ang isang tao sa clan para makahanap ng kaibigan, sa
personal man o kahit sa text man lang. Napakalaki ng kaugnayan ng
pakikipagkaibigan sa pakikipagkapwa dahil sa pagbubuo nito ng isang relasyon.
Ako
rin ay sumali sa clan dahil sa pakikipagkaibigan. Nagsimula ako sa pagiging
myembro hanggang sa yayain akong bumuo ng clan. Anim kami noon at bago pa
lamang akong myembro. Hindi nagustuhan ng mga kasama ko ang pamamalakad sa clan
na sinalihan namin kaya nagdesisyon sila na umalis na sa clan na iyon at bumuo
ng bago. Kaming anim ang naging opisyal ng clan at ako ang nagmungkahing B-men
ang maging pangalan ng clan. Naisip ko kasi na para kaming X-men, na “mutants”
sa lipunan. Ang “mutants” ay kakaiba sa lahat at madalas ay nakukutya at
hinuhusgahan ng lipunan tulad ng mga bakla at bi. Bukas sa interpretasyon ang
B-men at walang depenidong kahulugan. Maaaring “bisexual men,” “beautiful
men,” “baklang pa-men,” o “be men.” Mahigit sa tatlong taon na ang B-men ngayon at matatag pa rin ang aming samahan. Isa pa sa maganda sa clan lalo na sa B-men, napakalayo na nang mararating ng bente pesos mo.
Naihahalintulad
din ang clan sa isang fraternity na isang kapatiran. Ang kapatiran ang
pinakanilalaman ng misyon at bisyon ng isang clan. Kung mapapansin, ang
kapatiran ay hango sa salitang kapatid na isang myembro ng pamilya. Kahit
magkakaibigan lamang ang mga myembro ng clan, dahil sa misyon at bisyong ito ay
nagiging magkakapatid ang hangaring pagtuturingan sa loob ng clan.
Isa
pa sa mahalagang bubuo sa clan ay ang mga batas. Ang mga batas na ito ang
siyang magtatakda ng limitasyon ng mga myembro. Gagabay ito sa kanila nang sa
gayon ay hindi sila matanggal o ma-terminate sa clan. Ang pinaka-esensya ng
batas ay ang paggalang sa bawat isa. Sa ganang ito, makikitang nakabuo na ang
clan ng sarili nilang sistema na kung sinumang pumasok sa sistemang ito ay
nararapat lamang na sumunod dahil kung hindi ay maaari silang umalis nang kusa
o ma-terminate.
Hindi
basta-basta ang pagsali sa clan. Ang mga taong gustong mapabilang dito ay
daraan pa ng isang “screening test”. Ang mga opisyal sa pamumuno ng Founder
ang makikipagpanayam sa mga newbies. Sila ang magbibigay ng oryentasyon tungkol
sa pamamalakad sa clan. Kung pasado sa istandard ng namumuno ay mapapa-welcome
agad ang isang newbie. Ang pagpapa-welcome ang tawag sa proseso ng pagpasok sa
clan. Kapag pinawelcome na ang isang tao, nangangahulugan lamang ito na bahagi
na siya ng clan. Isa itong kaugalian din ng pamilyang Pilipino. Ang pagiging hospitable natin sa pagtanggap at
pagbibigay-importansya, lalo na sa mga bisita o sa mga bagong dating. Bahagi
ito ng pakikipagkapwa nating mga Pilipino.
Ang
ibang mga clan ay nagiging mahigpit sa itsura. Tinitingnan muna ang mga Facebook accounts ng mga gustong sumali. Ang pagiging
mapili naman ng mga clan sa kanilang myembro ay isa lamang pagsisiguradong
magagampanan ng mga newbies ang mga hinihingi ng clan. Dahil sa clan, dalawang
bagay ang mahalaga, una ay ang pagpapadala ng pangkalahatang mensahe sa lahat
ng myembro. Tatlong GM ang kinakailangang ipadala ng isang myembro kada araw o
kaya ay labinlimang GM kada linggo. Ang ikalawa ay ang pagdalo sa GEB. Mahalaga
ito sapagkat dito mas makikilala ang isang myembro at dito masusubok kung
makakayang makisalamuha ng bagong myembro sa mga dati ng mga myembro.
Ang
pagganap sa mga tungkulin sa clan ay kailangan gawin sapagkat una at higit sa
lahat, wala namang pilitan sa pagpasok sa clan. Kaya dapat maging buo ang
paglalaan ng sarili dito dahil sarili itong desisyon ng myembro. Parang utang
na loob ang pagpasok rito dahil makikinabang ang mga sumali sa pinaghihirapan
ng mga bumuo ng clan. Ang benepisyong tinutukoy ko ay ang tsansang maaaring
matagpuan ng isang tao sa clan ang tunay niyang kaibigan, pwede ring isang
katalik at higit sa lahat, ang taong magmamahal sa kanya. Pero, utang na loob
din ng mga opisyal ang pagsali ng isang myembro sa clan dahil kapag walang
myembro ang clan, mamatay ito o madidisolba. Ang pagpasok at paglabas sa clan
ay napakabilis kaya patuloy din ang pagpapalit-palit ng mga tao. Pero hangga’t
myembro ang isang indibidwal sa clan, kailangang makisama at gawin ang mga
tungkulin bilang isang myembro.
Finally, sumulat ka na rin ng tungkol sa bmen! Simulan na ang tsika!
TumugonBurahinako rin may clan. hehehe.
TumugonBurahinvisit my blog:
www.malikhaingmanunulat.blogspot.com