Martes, Agosto 30, 2016

SEQUENCE 40: ANG HUGOT NG ISANG FOUNDER / KHUYA'S BAR / GABI / INT

Isang oras na, wala pa rin sila. Kanina pa ‘ko nag-aantay. Nag-aasikaso ng lugar na ako rin ang nagpareserba. Sinisigurado na handa na ang lahat bago sila dumating. Dalawang oras na, unti-unti na silang dumarating. Nagsimula na ang inuman pati na rin ang kantahan.

Sila ang pamilya ko mula nang mag-migrate ang tunay kong pamilya papuntang America. Hindi ko sila kilala, hindi ko rin kaanu-ano. Nakilala ko lang. Naging kaibigan sa FB. Sa isang taon naming magkakasama, naging kaibigan ko na ang iba. Alam ko na rin ang mga kuwento nila pati ugali nila.

Bawat isa kanya-kanya ang eksena. May magjowang naghiwalay tapos nagbalikan, may hindi nagpapansinan noon tapos sila na ngayon, may mga mag-ex na nagdedeadmahan, may magkaaway noon tapos magbestfriends na ngayon, may daraan lang pero parang seen lang sa GC, may tahimik pero umiikot ang mata, may maingay na komedyante tapos effem pa, may kanta nang kanta kahit sintunado, may bet ng bayan, may laitera, may malakas uminom tapos maoy, may hindi iinom kasi walang pang-ambag, may naka-pineapple juice lang tapos maaga uuwi, at marami pang iba. Iba-iba ang kuwento nila pero lahat sila nasa isang tahanan, sa isang clan. Lahat maganda, lahat bida.

Pati ako, iba ang kuwento ko. Hindi ko alam kung paano ko nakakakaya na hawakan at pamunuan ang isang grupo ng mga bakla na may malalakas na personalidad? Hindi ko rin alam kung bakit ko ‘to ginagawa o hanggang kailan ko ‘to gagawin? Nakakapagod rin. Wala namang ‘tong bayad. Minsan abonado pa ‘ko. Minsan ako pa ‘yung masama.

Siguro ito ‘yung pagmamahal na walang hinihinging kapalit. Siguro ito ‘yung misyon ko sa buhay. Siguro ito ‘yung pumupuno sa kawalan ng aking pamilya. O siguro bored lang ako.

Bakit nga ba ako sumali ng clan? Bumabalik ako sa dahilan na gusto kong magkaroon ng kaibigan. Kaya sa tuwing may makakaalitan ako, iniisip ko kung bakit ako sumali. Hindi ako sumali para makipag-away. ‘Yung away nga ng iba naaayos ko pero sarili kong away hindi ko maayos. Pero nakakatuwa rin naman kapag may mga members ako na nakakahanap ng pag-ibig sa clan. Sana lang tumagal sila. Kasi kapag hindi, magleleave or magkiquit ‘yung isa, tapos ‘yung isa mag-stay tapos makakahanap ng iba. So problema na naman. Sa tagal ko na sa pagka-clan, kabisado ko na ang bawat kuwento, kilos, galaw, at salita ng mga bakla.

Masaya naman ako. Parang ‘yung Protégé na nga ‘yung jowa ko. Pagkagising ko, mag-Good morning ako sa GC. Ganun din kapag matutulog na, Goodnight Protégé. Kapag kakaen ng lunch or dinner, mag-aayang kumakain o magtatanong kung kumain na ba sila. ‘Yung mga gala ko, inuupdate ko sila. Nakasanayan ko nang kumustahin ang Protégé, ma-miss ang Protégé, at mapamahal sa Protégé.  Kaya mahirap sa akin ang umalis kasi parang kailangan kong makipagbreak sa jowa ko.

Pero pagkatapos ng lahat, paano ako? Paano naman ang sarili ko? Tapos na ang MEB. Uuwi na ‘ko. Matutulog. Mag-isa. Madilim.

Huwebes, Nobyembre 12, 2015

SEQUENCE 39: STATUS: SINGLE / CR / GABI / INT

Hindi ako nagbago. Hindi mo lang siguro ako kilala.

Hindi ako nagbago. Natuto lang ako. Natuto sa karanasan ko, sa katangahan ko, sa kahinaan ko. Kaya ngayon natuto akong lumaban at ipagtanggol ang sarili ko, ang pamilya ko, at mga kaibigan ko. 

Nakilala ako na punung-puno ng purong pagmamahal, pagmamahal na walang hinihinging kapalit at hindi lamang para sa sarili. Pero nasira ang aking pagiging inosente ng karanasan ko, dahil sa mga nabigo kong pag-ibig. Ibinibigay ko kung anong meron ako, kung ano ako, at sobra sobra pa. Pero nakakalimutan ko magtira para sa sarili ko. Wala akong naitabi para sa akin. Nabasag ako at nagkapira-piraso. Nadungisan ang puso ko. Alam kong hindi lisensya ang panloloko sa akin para manloko rin ako. Hindi rin ito nagbibigay karapatan sa akin na tumanggi dahil tinanggihan din ako. Marami akong kayang ibigay na pagmamahal. Pero natatakot ako. Natatakot ako na baka hindi ito masuklian, na baka hindi ito maibalik. Natatakot akong mabasag muli.

Oo! Mag-isa ako. Matagal na akong single. Walang jowa, walang pamilya kasi nasa ibang bansa. Pero may kaibigan ako. Nabubuhay ako ngayon dahil sa mga kaibigan kong nagmamahal sa akin. Lahat ng mga nakasulat sa banyo ko, kaibigan ko sila. Sila ang tanda na kahit kailan, wala man akong katabi, hindi ako kailanman mag-iisa. Kasi alam ko, isang tawag ko lang, alam kong may handang makasama ako, may pamilya ako.




Unti-unti kong binuo ang sarili ko sa tulong ng mga kaibigan ko. Kung saan-saan pumunta para hanapin ang sarili. Kung sinu-sino ang nakilala para mahanap ang taong muling bubuo sa akin. Hinahanda ko lang ang sarili ko. Para sa susunod na magmamahal ako, hindi na ako masisirang muli kasi buo na ang pagkatao ko, kilala ko na kung sino ako, alam ko na kung ano ako at ano ang gusto ko. Alam ko na maraming nagmamahal sa akin, kaya wala ng tao ang kaya pang makapanakit sa akin, kasi matibay na ako, matatag na pundasyon ko. 

Pero may kinakatakot akong muli. Sa sobrang pagpoprotekta ko na hindi masaktang muli, sa sobrang tigas ko na, baka bato na ang puso ko at hindi na makapagmahal muli.