Lunes, Disyembre 26, 2011

SEQUENCE 7: QUEZON AVE / HAPON / EXT


“Tigil!” sabi ng pulang ilaw. Nagbigay pugay ang mga hari ng kalsada sa pagtawid ng prinsesa ng kaharian ng Quezon. Nakakasilaw ang kanyang korona kapag ito ay nasisinagan ni Haring Pebo. Lahat ay nakatingin sa prinsesa. Suot-suot niya ang kanyang paboritong blusang puti. Sinusundan siya ng mga matang mapanuri ng kanyang kinasasakupang lupain. Pero hindi niya ito pinapansin. Taas noo niya pa ring pinasok ang kinasasakyan ng kanyang mga mamamayan. Isa-isa niyang sinumpungan ng kanyang maamong mukha ang mga tao na tila may hinihinging pabor. Ngunit, hindi siya inimik ng mga ito. Malapit na magberde ang ilaw pero hindi pa rin siya pinapansin ng mga ito.
         
Bumaba na siya ng sasakyan. Alam niyang malapit nang tumakbo ang mga dyipni. Walang takot siyang tumayo sa islang nasa kanto ng daanan. Bakas sa mukha nito ang masayang pagmamasid sa bawat nagdaraan na sasakyan. Mabilis ang pagharurot ng mga ito. Nakakabingi ang mga businang kanilang ginagawa. Pero sanay na si Fame kung kaya’t hindi na niya iniinda ang mga ito.

“Fame” ang tawag sa kanya ng kanyang mga kaibigan. Pangarap kasi ng kanyang ina na maging isang sikat na artista kung kaya’t ito ang ibinigay na pangalan sa kanya. Pero tila namana ito ng bata dahil gusto niya ring umani ng papuri at masilaw sa ilaw ng kasikatan. Nakakalungkot nga lang isipin na hindi artistahin ang kagandahan ng musmos. Madungis ang kabuuang anyo ng bata. May mga libag na pilit na nagtatago pero lumilitaw pa rin sa kanyang mga singit-singit. Halo-halong pawis, araw, putik, galunggong ang amoy ng bata. Ang puti niyang blusa ay nangingitim na dahil isang linggo niya na itong suot. Ang korona niya’y isang kupas na headband na binalot ng kulay gintong palara ng sigarilyo. Hawak niya ang basahang nagpapakain sa kanya. Sanay na si Fame sa ganitong buhay kung kaya’t hindi niya na iniinda ang mga ito.

Bilang sideline ni Fame, kumakanta siya para sa mga nagdaraang tao. Nagpapakitang gilas at nagbabakasali siyang baka may makadiskober ng kanyang talento. Ilang ulit siyang tumambling para lamang mapansin ng mga tao pero patuloy pa rin ang mga tao sa paglalakad sa kanilang mga pupuntahan. Natatabunan ng mga kumpulang ito ang pagtatanghal ni Fame. Walang pumapansin sa kanya at kung mayroon man ay limos ang ibinibigay sa kanya.

Hindi masalamin ng kanyang pangalan ang kanyang kinakaharap. Malabo na sigurong makamit ang kanyang mga inaasam. Habang iniisip ko ang kinabukasan niya ay walang tigil siyang nagsasasayaw sa kalsada. Pero inabala siya nang pagpatak ng ulan. Hindi niya siguro malaman ang gagawin at kung saan siya sisilong para siya ay hindi mabasa. Takot pa naman siya sa tubig.

Nang hindi nag-iisip, tinawid ng prinsesa ang kalsada. Hindi niya namalayan na may mabilis na paparating na dyip. Nabundol siya nito. Pumasok siya sa ilalim nito at nagulungan pa ata. Nagulat ako sa nangyari sa prinsesa. Pumapasok sa aking isipan ang pangarap niya na balang araw, siya ay ituturing na reyna.

Lumakas ang pagbuhos ng ulan. Naligo si Fame sa kanyang sariling dugo. Pisat ang kanyang mukha. Durog na durog ang kanyang bungo. Hindi ko siya kayang titigan. Hindi ko rin napansin pero bigla na lamang dumami ang tao.

Ngayon ay napansin na ang kagandahan ng prinsesa. Tiyak mamaya matutupad na ni Fame ang kanyang pangarap. Mapapalabas na rin siya sa telebisyon. Baka nga ay maging laman pa siya ng mga ulo ng balita sa mga pahayagang tabloid. Tiyak na pagpipiyestahan siya ng mga tao. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento