Lunes, Disyembre 26, 2011

SEQUENCE 7: QUEZON AVE / HAPON / EXT


“Tigil!” sabi ng pulang ilaw. Nagbigay pugay ang mga hari ng kalsada sa pagtawid ng prinsesa ng kaharian ng Quezon. Nakakasilaw ang kanyang korona kapag ito ay nasisinagan ni Haring Pebo. Lahat ay nakatingin sa prinsesa. Suot-suot niya ang kanyang paboritong blusang puti. Sinusundan siya ng mga matang mapanuri ng kanyang kinasasakupang lupain. Pero hindi niya ito pinapansin. Taas noo niya pa ring pinasok ang kinasasakyan ng kanyang mga mamamayan. Isa-isa niyang sinumpungan ng kanyang maamong mukha ang mga tao na tila may hinihinging pabor. Ngunit, hindi siya inimik ng mga ito. Malapit na magberde ang ilaw pero hindi pa rin siya pinapansin ng mga ito.
         
Bumaba na siya ng sasakyan. Alam niyang malapit nang tumakbo ang mga dyipni. Walang takot siyang tumayo sa islang nasa kanto ng daanan. Bakas sa mukha nito ang masayang pagmamasid sa bawat nagdaraan na sasakyan. Mabilis ang pagharurot ng mga ito. Nakakabingi ang mga businang kanilang ginagawa. Pero sanay na si Fame kung kaya’t hindi na niya iniinda ang mga ito.

“Fame” ang tawag sa kanya ng kanyang mga kaibigan. Pangarap kasi ng kanyang ina na maging isang sikat na artista kung kaya’t ito ang ibinigay na pangalan sa kanya. Pero tila namana ito ng bata dahil gusto niya ring umani ng papuri at masilaw sa ilaw ng kasikatan. Nakakalungkot nga lang isipin na hindi artistahin ang kagandahan ng musmos. Madungis ang kabuuang anyo ng bata. May mga libag na pilit na nagtatago pero lumilitaw pa rin sa kanyang mga singit-singit. Halo-halong pawis, araw, putik, galunggong ang amoy ng bata. Ang puti niyang blusa ay nangingitim na dahil isang linggo niya na itong suot. Ang korona niya’y isang kupas na headband na binalot ng kulay gintong palara ng sigarilyo. Hawak niya ang basahang nagpapakain sa kanya. Sanay na si Fame sa ganitong buhay kung kaya’t hindi niya na iniinda ang mga ito.

Bilang sideline ni Fame, kumakanta siya para sa mga nagdaraang tao. Nagpapakitang gilas at nagbabakasali siyang baka may makadiskober ng kanyang talento. Ilang ulit siyang tumambling para lamang mapansin ng mga tao pero patuloy pa rin ang mga tao sa paglalakad sa kanilang mga pupuntahan. Natatabunan ng mga kumpulang ito ang pagtatanghal ni Fame. Walang pumapansin sa kanya at kung mayroon man ay limos ang ibinibigay sa kanya.

Hindi masalamin ng kanyang pangalan ang kanyang kinakaharap. Malabo na sigurong makamit ang kanyang mga inaasam. Habang iniisip ko ang kinabukasan niya ay walang tigil siyang nagsasasayaw sa kalsada. Pero inabala siya nang pagpatak ng ulan. Hindi niya siguro malaman ang gagawin at kung saan siya sisilong para siya ay hindi mabasa. Takot pa naman siya sa tubig.

Nang hindi nag-iisip, tinawid ng prinsesa ang kalsada. Hindi niya namalayan na may mabilis na paparating na dyip. Nabundol siya nito. Pumasok siya sa ilalim nito at nagulungan pa ata. Nagulat ako sa nangyari sa prinsesa. Pumapasok sa aking isipan ang pangarap niya na balang araw, siya ay ituturing na reyna.

Lumakas ang pagbuhos ng ulan. Naligo si Fame sa kanyang sariling dugo. Pisat ang kanyang mukha. Durog na durog ang kanyang bungo. Hindi ko siya kayang titigan. Hindi ko rin napansin pero bigla na lamang dumami ang tao.

Ngayon ay napansin na ang kagandahan ng prinsesa. Tiyak mamaya matutupad na ni Fame ang kanyang pangarap. Mapapalabas na rin siya sa telebisyon. Baka nga ay maging laman pa siya ng mga ulo ng balita sa mga pahayagang tabloid. Tiyak na pagpipiyestahan siya ng mga tao. 

Linggo, Disyembre 25, 2011

SEQUENCE 6: KWARTO / GABI / INT


Hindi ko mapaliwanag, pero, masarap. Masarap sa pakiramdam. Sa tuwing natitikman ko ay naglalagablab ang aking damdamin. Nag-iinit ang buo kong katawan at hindi ko mawari kung ano ang dapat kong gawin. Tila binubuhat ako ng hangin habang ako’y nakapikit na nakikipaghalikan. Parang ako at ang mahal ko lamang ang natatanging tao sa mundo. Ang aming mga labi ay parang dalawang pusong pinag-isa habang kami ay naghahalikan.

Masarap ang kanyang labi. Hindi ko alam kung matamis ba talaga ang kanyang labi o ‘yung laway ang nalalasahan ko. Basta! Nakaka-adik ang labi niya. Habang tumatagal ang paghalik ko sa kanya mas lalo kong hinahanap-hanap na madampian ng mga labi ko ang kanyang mga labi. Hindi lang iyon, kapag hindi ako nakontento ay sinasamahan ko pa ng dila ang paghalik ko sa kanya. Mas nag-aalab ang aking pakiramdam kapag ganitong klase na ang aming halikan. Napakalibog talaga ng mga Pranses sa paglikha ng ganitong klase ng paghalik. Ang sarap, hindi ko mapigilan.
  
Para sa akin, ang nagpapasarap sa aming halikan ay ang sangkap ng pagmamahal. Ito ang mas nagpapaigting ng mga eksena. Syempre, idamay na natin ang libog ng katawan. Sa bawat paghalik, hindi mapigilan na magbigay pugay ang aking minamahal na alaga. Kailangan lang tandaan, minsan mag-ingat baka sa sobrang pagsipsip ay masaktan ang minamahal. Masakit iyon kapag iyon ay iyong ginawa baka ikaw ay makagat nang wala sa oras.

Pag-alabin lang ang sandaling ito, huwag madaliin para hindi mabitin at huwag patagalin para hindi masobrahan. Namnamin ang sarap ng pag-ibig. Kalimutan ang mga magulang at patayin muna ang mga ilaw nang sa gayon ay sumiklab pa ang paglalabing-labing.

SEQUENCE 5B: BUBUNGAN / GABI / EXT


Hindi mapakali, hindi mawari kung anong dapat gawin. Hindi ko matigil ang kakaisip sa kahapong nagdaan. Hindi ko alam! Nababaliw na ata ako. Oo, nababaliw na ako sa kakaisip sa kahapong nagdaan. Ang tanga-tanga ko kasi. Hindi ko alam kung bakit kailangan mangyari iyon. Ginawa ko naman ang lahat at naging mabait sa kanya pero nagawa niya pa rin iyon sa akin. Hay! Bakit ba ako nagtiwala sa kanya? Bakit?

Kagabi pagkatapos akong hindi siputin ng aking minamahal, nasilayan ko ang buwan sa di’ kalayuan. Tila pareho kami nang nararamdaman. Malungkot din ang buwan. Hindi ko alam kung bakit pero alam kong nakikidalamhati siya sa aking kasawian. Tahimik ang buong mundo, sa akin lang ang magulo. Sinubukan kong humingi sa buwan ng payo at tinanong ko kung bakit siya malungkot, pero hindi siya sumagot. Bigla na lamang siya nawala at nagtago. Hinanap ko siya upang tanungin muli, pero, hindi ko na siya nakitang muli.

Ngayong gabi na hindi ako mapakali, hindi ko pa rin nakikita ang buwan pero alam kong nandyan lang siya sa tabi-tabi, nagtatago. Hindi man siya nasisilayan ng aking mga mata, alam kong malungkot pa rin siya. Sa aking kasawian naisulat ko ang maikling tulang ito:  

Ang Buwan Kagabi

Nag-iinit ang buwan kagabi,
Hinahabol ako sa panaginip.
Nagliliyab ang mga alaala
ng kahapon na siya ang kasama.
Ngayong wala ka na,
Aangkinin ko ang gabi nang mag-isa.  

Oo, aangkinin ko ang bawat gabi nang mag-isa pero kailangan kong maging malakas. Hindi pa ito ang katapusan nang aking magulong mundo. Aayos din ang lahat, hinihiniling ko. Pero, sa ngayon na malungkot ang gabi, tamang-tama lamang ang pamunti-munting pagpatak ng ulan na sumasabay sa pagbagsak ng luha sa aking mga mata habang paulit-ulit kong binabasa ang aking tula

SEQUENCE 5A (FLASHBACK): PALIHAN / UMAGA / INT



Stagnating

Parang nakatulala at nakatingin sa kawalan, ganyan ang turing ko sa aking mga akda. Walang pag-unlad sa aking pagsusulat, at parang hindi nagbubunga ang aking mga pinagpapaguran. Stagnant ang aking kalagayan. Para akong isang bata na hindi tumatanda o isang halaman na hindi lumalaki. Tila kasi may sariling buhay ang aking mga kamay na kung kailan niya gustong magsulat saka lang gumagana ang mga ito. Nakakapagod, nakakaumay na ang ganitong klase ng sistema sa aking mga akda.

Mahirap pilitin ang sarili na magsulat. Mahirap mag-isip kung wala namang pumapasok sa iyong utak. Mahirap magsulat nang hindi mo alam kung ano ang lalamanin ng mga ito. At higit sa lahat, mahirap umunlad kung walang pagbabago. Ito ang aking buhay bilang manunulat, iyon ay kung maituturing ba kong isang manunulat. May manunulat ba na walang maisulat na maganda? Hindi ko alam, basta ang masasabi ko lang ay wala akong kwenta sa ngayon. Ayaw ko naman pilitin na magsulat nang kahit ano na lang, para kasing hilaw na mangga na pilit kong hinihinog ang aking akda kapag pinilit ko ang aking sarili. Nakakalungkot, pero may magagawa ba ko?

Avoiding

Pilit kong iniiwasan ang sistemang aking nakagawian. Imbis na magsulat ako, wala akong ibang magawa kung hindi ang dumungaw sa bintana at maghanap ng mga bagay na maisusulat. Kung wala pa ring maisusulat at bukas na ang pasahan, tila nagiging isa akong madyikero na gumagamit ng abakadabra o mga hokus pokus para lang may maipasa bukas. Nagiging basurero rin ako kung minsan na nagbubungkal ng aking mga nagawang mga akda, at isinasaayos ko na lang ito para maging isang panibagong akda. Natuto at nasanay na rin akong magdagdag-bawas kung hininhingi ng pagkakataon.

Oo, alam kong hindi maganda ang sistemang ONE NIGHT STAND o ang pagpupuyat ng isang buong gabi para maihabol ang mga papel sa itinakdang oras.  Madalas kasi, rush ko nang ginagawa ang aking mga akda, Kasi, kung may dikta ang aking mga akda kung kailan nito gustong maisulat, may dikta rin ang aking mga propesor kung kailan ko ito dapat ipasa.

Ang hirap, hindi ko kaya.

Terminating

Kailangan ko na nang pagbabago sa aking buhay bilang manunulat. Kailangan ko nang magkaroon ng teknik, kailangan ko na ito ASAP. Kailangan matigil ko na ang ganitong pamamaraan ko habang maaga pa. Hindi dapat hinog sa pilit o kinalburo ang aking mga gawa. Kailangan magkaroon na nang pagkakaayos. Kailangan ko na talaga, pero makakayanan ko ba?

Initiation

Nag-enrol ako sa MPs 110, isang kurso tungkol sa palihan noong ikalawang semestre ng 2008-2009. Bilang isang palihan ng mga akda ang klase, natural lamang na malaki ang magiging kaugnayan ng aking mga kamag-aral sa aking mga gagawin. Dito ko na kilala si Josh, ang aking naging kapareha sa klase. Siya rin ang naging kapalitan ko ng aking mga akda. Mabait naman siya at laging nakangiti kung kaya’t hindi siya mahirap lapitan.

Nagdaan ang Pasko, Bagong Taon at Araw ng mga Puso at marami na rin kaming nagawang mga akda sa pamamatnubay ng aming mahusay na guro na si Sir Vlad. Naging masaya ang klase at dumanas pa kami ng iba’t ibang kalandian pero hindi pa rin naging sapat ito upang mapiga ang aking malikhaing katas. Siguro ay sa dami ng hinihingi ng aking mga klase ay hindi ko lubusang mabigyan ng pansin ang pagsusulat ng mga tula.

Hanggang sa dumating ang araw na kailangan na naming magbigay ng aming kanya-kanyang pananaw ukol sa gawa ng isa’t isa. Ito na ang araw na kinatatakutan ko.

Experimenting

Sa unang palihan sa aming klase, sinadya kong pangit ang una kong akda upang malaman ko kung paano ang magiging reaksyon niya. Hindi nga ako nagkamali! Bonggang-bongga niyang nilait ang aking mga gawa, marunong at matalino pala siya sa ganitong klase ng bagay. Mula noon, kusang nag-uutos ang aking isip na gumawa na 'ko ng magandang sining upang hindi na mapahiya sa aking ka-partner muli.

Intensifying

Tumindi ang mga palitan namin ng mga komento sa mga sumunod na palihan. Pati mga personal na bagay ay hindi naiwasang masali sa usapan kahit hindi naman kinakailangan. Talagang naiinis ako sa kanya. Minsan, naiisip ko na ginagawa niya lang magkomento kahit hindi naman nararapat para lang maasar ako. Epektibo naman ang kanyang pang-aasar dahil talagang nanggagalaiti ako sa galit kahit na hindi naman nararapat. Dumating pa nga sa punto na hindi ko na ginagantihan ng ngiti ang kanyang pagbati tuwing kami’y nagkikita sa mga pasilyo ng aming gusali.  

Dahil sa kumpetisyon, umigting ang aking pagpupursige na gawing maganda ang aking mga akda. Nagbasa ako ng mga akda ng mga sikat na manunulat para makuhanan ko ng ideya at estilo sa pagdating sa pagsusulat. Talagang ginawa kong magsaliksik para lang kalabanin si Josh. Siguro ay maganda na rin ang nangyari na siya ang nakapareha ko dahil kung hindi ay baka tinamad lang ako. Sa pagpapalitan ng mga maaanghang na salita, dito ko mas napagana ang aking kakayanan na mag-isip ng mga paksang magiging makabuluhan at interesante para sa mga mambabasa.

Integrating

Kung may mahalaga man akong natutunan kay Josh, iyon ay ang kakayanan niyang magpasa sa intinakdang oras nang hindi nagmamadali. Talagang magkaiba kami ng sistemang nakagawian. Mabilis siyang mag-isip ng mga paksang nakakapukaw ng pansin. Kahit gasgas na ang mga paksang kanyang tinatalakay, nabibigyan niya ito ng bagong perspektibo. Hanga ako kay Josh, mahusay siyang mag-isip, pero syempre, hindi ako magpapatalo.

Bonding

Wala man lamang batian ng “Hi!”, “Hello!” o kahit pagtanong man lang ng “Kamusta ka na?” Agad-agaran niyang binigay ang mga komento niya tungkol sa aking tulang, ”Mansanas.” Hindi rin ako umimik at nakinig lang ako sa mga komento niya. Hindi ko nga rin man lang matignan sa mata si Josh. Dala na rin siguro ng pride. Pero, tuloy pa rin ang paglalaitan.     

Pagtapos niyang magsalita, wala ring “ha?” ni “ho!” ang bumati sa kanyang gawa. Pinag-isipan kong maigi ang mga sasabihin ko tungkol sa kanyang gawa. Syempre, gusto kong gumawa ng impresyon na magaling rin akong kritiko ng mga akda. Kahit medyo nabubulol ako, hindi ako ngumiti. Pinilit kong maging seryoso sa kanyang paningin.

Differentiating

Ilang beses kong napapaulit-ulit sa aking isipan ang mga taliwas naming paniniwala. Naisip ko na marahil dala ng kultura ang pagkakaibang ito. Maraming mga bagay ang maaaring sanhi ng aming hindi pagkakasundo. Isa na rito, siguro, ay kung paano kami mabuhay sa araw-araw. Sa tingin ko ay wala masyadong ginagawa si Josh sa kanilang bahay kung kaya’t napagtutuunan niya ng pansin ang pagsusulat ng mga akda para sa aming klase. Samantalang ako, bukod sa pagpasok sa eskwela ay tumutulong ako sa mga gawaing bahay. Hindi pwedeng hindi. Kahit may hinahabol na oras ay hindi maaring ipagpaliban ang mga nakatakdang gawaing bahay. Ayaw ko namang mapagalitan at baka masumbatan pa ko ng mga magulang ko.    

Circumscribing

Ang unang klase namin sa buwan ng Marso ang huli na naming palihan. Sa wakas ay matatapos na ang pang-aasar niya sa akin. Pagdating ko sa klase, hindi ko siya nakita. Natuwa ako kasi walang mambibwiset sa araw ko. Pero, napatingin ako sa lagi niyang inuupuan at naalala ang mga matindi naming pagpapalitan ng mga komento. Nakakamiss rin pala.

Stagnating, Avoiding, Terminating

Natapos ang semestre nang hindi kami nagkikita o nagkakausap man lang. Nananatili na walang pagbabago sa aking mga gawa. Nanghihinayang ako dahil malaki ang naiambag ni Josh sa aking pagsusulat pero nabalewala ko ang pagkakataon na iyon.

Sa wakas, ito na pala ang hinihintay kong kasagutan. Natagpuan ko na ang aking sarili. Alam ko na ang problema sa akin bilang manunulat. Kailangan ko lang pala ng isang tao na magtutulak sa akin na gawin ang mga nararapat para lang makapagsulat ako.

Wala akong ibang nagawa kung hindi ibulong ito sa aking sarili, “Salamat!” 

(Nais ko rin pasalamatan ang aking ka-partner dito na nakalimutan ko na kung sino. Ang akdang ito ay isinulat naming dalawa. Ang unang tatlong bahagi ay sa'kin at ang huli ay sa kanya. Ngayon ko lang nabasa ang kanyang isinulat. Nakakatuwa, salamat din!)

SEQUENCE 5: TAMBAYAN / GABI / EXT



Mayo na, tag-init na naman.
Masarap ang monay na may palaman,
bago lumaklak ng Gin Kapitan
dito sa may bubungan.

Ang mundo ko’y puno ng kahilingan
at isa dito’y madagdagan ang mga lumang kasabihan.
Halimbawa na lamang,
sa anino ng korupsyon at kamatayan,
pikit-matang magsasayaw ang mga kabataan,
o sana’y sa pag-angat at pagbagsak ng mayayaman
ay nakatali sa pag-ikot ng gulong ng kapalaran
ng mga kapighatian at kasawian.

May marahang hangin na humihipan
sa mga sanga ng mga halaman,
pero hindi ako nito matutulungan
na isigaw ang aking nais sa buhay na walang hanggan
kahit na maghumindig pa sa galit ang kapangyarihan ng orasan,
o kaya nama’y sa masakit na katotohanan
na muling bumabalik ang mga nagdaan
at ang nakakasabay sa paglalakad ay mayroong huling kinahahantungan.

Minsan, pumapasok sa aking isipan -
Ang damit ko’y luluwagan
at mahihiga sa damuhan
na mukhang kakatabas pa lamang
pero hindi nito matutumbasan
ang tunay na kahulugan
ng habambuhay na kagandahan
o ang pagkasawi ng katapangan
ng dating nag-uumapaw na kahusayan.

Hangga’t may paksang mapag-uusapan,
hinding-hindi ko ito lulubayan.
Pinupuno ako nito ng katahimikan
at wala akong ibang mapagpipilian
kung hindi lubusin ang araw at magdiwang
kasama ang mga ipis na batugan
at sumuko sa usok ng Kamaynilaan
habang pinatutugtog sa may videokehan
ang paborito kong, “Ngayon at Kailanman”
na tungkol sa walang sawang pagmamahalan
na kabaligtaran naman ng aking nararanasan.

SEQUENCE 4: COMFORT ROOM / GABI / INT


Ako’y nakakulong sa kahong maliit.
Pilit sumisiksik na libag sa singit.
Kutis ko’y malagkit, pawis ay madikit.
Hangad ay magkubli, iwas panlalait.

Sa ‘king pagnanais na ika’y maakit,
Sasalok ng tubig, tubig na mainit.
Bago pa ibuhos, mata’y ipipikit.
Hihiling sa Diyos, mawala ang anghit.

Sana’y sa pagmulat, ‘di na ako pangit
para mabawasan ang aking pasakit.
Sasabunin lahat – paa hanggang anit.
Bato’y pangkukuskos kahit na masakit.

Pagtapos magbanlaw, ako’y mag-aahit –
bigote at balbas, para walang sabit,
kung saka-sakaling, tayo’y mag-iinit.
Isang panaginip na ‘di makakamit.

Kung ako’y lalapit, sana’y ‘di magalit.
Nag-iisip-isip. Habang nagdadamit,
repleksyo’y nasilip, nabasag ang lupit.
Kahit bagong ligo, mabaho na ulit.

Sabado, Disyembre 24, 2011

SEQUENCE 3: GAY+WAY / GABI / INT


Paglabas pa lang ng L.R.T.
Nagkalat na ang mga beki.
Natalo ang bathhouse sa dami.
In fairness ha! Walang entrance fee!

Sa pagpasok, napa-O.M.G.
sa body na napaka-yummy.
Walang panama si Papa P.
Pero, parang shrimp sa KFC.

Sa may C.R., biglang nangati.
May machong makalaglag panty.
Pero, suriin nang mabuti,
kung kumendeng daig pa sexy.

Sa taas, tumingin ng movie.
Ticket na pala ay one-eighty.
Mag-pray lang na may makatabi,
Sana kahawig ni Sam Milby.”

Sa F&H ay namimili,
ang milyonaryong si Don Pappy.
Instant jackpot! Parang Wowowee.
Kung mapipiling lucky baby.

Kapag bumaba sa main lobby.
Doon, tambay ang mga prosti.
Mag-ingat, friend, baka mategi,
O, mahawaan ng S.T.D.

Last rampa na bago gumabi.
May estudyanteng super cutie
Isang ngiti ang magsasabi
sa Sogo na maglilibrary.

SEQUENCE 2: KATIPUNAN / HAPON / INT


Doon kita hihintayin, doon tayo magkikita,” iyon ang text sa akin ng Mahal Ko. Masayang-masaya ako noong araw na iyon. Alas singko ng hapon ang oras na pinag-usapan namin. Nakakatawa nga, sa sobrang sabik ko na makita siya, nagawa kong tumakas ng klase para lamang makadating sa itinakdang oras. Sumakay ako ng dyip papuntang Katipunan dahil sa LRT 2 kami magkikita.

Napaaga ng sampung minuto ang dating ko sa aming tagpuan. Bumili ako ng tiket at pumasok na sa istasyon. Nang pababa na ako ng hagdan, narinig ko ang pagbusina ng tren. Nagmamadali ang mga kasabay ko sa pagbaba ng hagdan. Ang iba pa nga’y tumakbo na para makasakay sa parating na tren. Kahit tumunog na ang senyales na pasara na ang pinto ng tren ay nakita kong pilit pa rin humahabol ang iba na sila ay makasakay. Tuwang-tuwa kong sinabi sa sarili ko na, Aba! Hindi ako isa sa inyo ngayon na magmumukhang tanga sa pagtakbo para lang umabot sa pagsakay ng tren.” Ako lang ang naiwan sa hintayan ng tren. Sa bawat segundo na lumilipas ay paisa-isa ang pagdami ng mga tao sa pag-aabang sa tren. Wala pa rin ang Mahal Ko. Narinig ko muli ang pagbusina ng tren at nagkagulo na naman ang nagkukumpulang mga tao sa pagpila sa pagsakay sa tren. Nakangiti pa rin ako dahil kaka-alas singko pa lang naman. Pinagmasdan ko na lang ang mga tao habang sila’y nagmamadali at natatarantang pumapasok sa pintuan ng tren kapag tumutunog na ang senyales nang pagsara ng pinto.

Ilang tren ang bumusina pero wala pa rin bakas ng Mahal Ko. Pati cellphone ko ay nakikisabay sa pananahimik at paghihintay. Sinubukan kong tawagan at i-text siya pero hindi siya sumasagot. Sa bawat pagdaan ng tren ay may panghihinayang para sa akin. Hindi ko alam kung dapat na ba akong sumakay o kailangan ko pa ring maghintay. Ngayon ay araw ng pagtitipon namin ng Mahal Ko. Dito sa istasyon ng Katipunan, hindi lang ang tren ang hinihintay ko, hinihintay ko rin ang pagdating ng Mahal Ko. Sa bawat pagdaan ng tren at pagbusina nito, naroroon na sa aking dibdib ang pamamadali na sana ay dumating na siya para sabay na kaming makasakay ng tren. Nakakalungkot man, alas sais na, hindi pa rin siya dumarating.

SEQUENCE 1: KALSADA / HAPON / EXT

Hindi ka ba nagtataka, minsan, kung bakit walang kasiguraduhan ang buhay?
At tulad kung minsan sa pagtingin mo sa langit,
hindi mo malaman kung ano bang magiging panahon sa araw na 'to.
Hindi malaman kung dapat bang magdala ng payong o hindi.
Pero, sa kung ano man ang magiging desisyon mo, kailangan panindigan ito.
    Iba-iba man ang takbo ng buhay ng bawat isa sa atin,
iisa pa rin ang daan na tinatahak natin.
Marami man ang paliku-likong daan,
may isang kanto pa rin kung saan magtutumpok ang mga tao.
Wala man pansinan at kanya-kanya ang pupuntahan,
darating ang araw na isa sa mga ito ay makakasalamuha mo.
Maliit lang ang mundo,
at lalong mas maliit ang kalsada.
Dito, makakahanap ka ng kasabay sa pupuntahan mo.
Hindi man kayo nagkikibuan.
Ang mahalaga, alam mong hindi ka nag-iisa.