Lunes, Nobyembre 25, 2013

SEQUENCE 29: SELFIE / GABI / INT

Inanunsyo ng Oxford Dictionary na SELFIE ang Word of the Year. Ang selfie ay ang pagkuha ng litrato sa sariling pamamaraan gamit ang anumang kamera. Paraan ito upang maipakita ng isang tao ang kanyang ginagawa, kinakain, pinupuntahan, isinusuot, at nararamdaman. Kalimitang ibinabahagi sa social media para maiupdate ang mga kaibigan at kamag-anak sa kung ano ang nangyayari sa buhay mo. Pero gaano ba kalalim ang naka-capture at nae-expose ng selfie tungkol sa sarili mo?


josh manuel


Pagpapakatotoo ba o pagpapanggap? Ano ba talaga ang gusto mong ipakita sa mundo? Hindi ka na nalalayo sa mga artista. Ginagawa mong showbiz ang buhay mo at ang mga kaibigan mo sa Facebook ang ginagawa mong fans. Kahit hindi mo kakilala, inaadd mo para lang marami kang FRIENDS. Nagkakaroon ka ng confidence at assurance kada may mga magla-like ng pinopost mo. Idinadaan mo sa dami ng Likes ang kasikatan mo. Tatangkilikin ka ba o iisnabin? Pupurihin ka ba o babastusin? Pero sa gitna ng lahat ng ito, sino ka ba talaga? Kilala mo pa ba ang sarili mo?


josh manuel

Napakahalaga ng pagkilala sa sarili. Kung kilala mo na ang sarili mo hindi ka matatakot sa pagbabago, hindi ka maliligaw sa pupuntahan mo, kasi alam mo kung saan ka babalik. Mahalagang alam mo kung saan ka babalik at kung saan pupulutin ang sarili mo lalo na kapag nawala ka. Kailangan mong maging matapang dahil hindi lahat ng tao magugustuhan ka, hindi lahat ng tao sasang-ayon sa sinasabi mo. Kailangang maging matigas ka lalo na sa mga paninira at tsismis na ibabato sa'yo. Kahit ano pang sabihin nila tungkol sa'yo, ang mahalaga alam mo kung ano ang totoo. Ikaw lang ang higit na makakakilala sa sarili mo. Ikaw lang ang kakampi mo. Walang ibang higit na makakapagtanggol sa sarili mo kundi ang sarili mo lang. Kaya kapag nasaktan ka, lumaban ka, huwag kang paapekto, kasi alam mong mabuti kang tao, alam mong may pinag-aralan ka, alam mong maganda ka pa rin, at higit sa lahat, alam mong maraming nagmamahal sa'yo at tumatanggap sa totoong ikaw.


josh manuel


Minsan ginagawa mo ang isang bagay para magustuhan ka ng ibang tao na kahit hindi na ikaw yun, patuloy mo pa ring ginagawa para mapasaya o ma-please sila. Pero napi-please mo rin ba ang sarili mo? Hanggang kailan? Minsan dinedepende mo kung magiging sino ka depende kung sino ang kasama mo. Huwag! Hindi mo kailangang gawin 'yun. Hindi ka nabubuhay para sa kanila. Nabubuhay ka para sa sarili mo at para sa mga taong nagmamahal sa'yo. Minsan hindi mo kailangang makinig sa sasabihin ng ibang tao, kailangan mo lang maniwala sa sarili mo. Walang ibang higit na makakapagpasaya sa sarili mo kundi ang sarili mo lang din. Kasi ikaw lang ang nakakaalam kung ano ang makakapagpasaya sa'yo at hindi ang ibang tao. Huwag kang umasa sa ibang tao na dapat alam nila ang makakapagpasaya sa'yo. Ikaw ang gagawa ng sarili mong kaligayahan. Kaya dapat kilalanin mo muna ang sarili mo ng husto para makilala ng ibang tao kung sino ka talaga at hindi yung kung sinong gusto nilang maging ikaw. Uulitin ko. Kilala mo nga ba ang sarili mo? Sino ka ba talaga? Hubad na!

1 komento: