Huwebes, Abril 11, 2013

SEQUENCE 25: WALANG KATAPUSAN / SINEHAN / GABI / INT

Bawat araw, hinihintay kong dumating ang isang Miggy Montenegro sa buhay ko. Pero hindi ko alam kung kaya kong maging si Laida Magtalas. Naging negatibo na kasi ang tingin ko sa pag-ibig. Lagi kong naiisip na sa hiwalayan din mauuwi ang lahat at mas mabuti nang huwag ituloy ang relasyon kung mukha namang hindi magtatagal. Pero umaasa pa rin ako na makakatagpo ako ng happy ending. Pero paano ako magkakaroon ng happy ending kung hindi pa man din nasisimulan. Paano ko sisimulan kung wala naman akong nakikilala? Hindi katulad ni Laida. Si Laida naman talaga ang dumating sa buhay ni Miggy. Pinuntahan niya si Miggy para magkakilala sila. Sinadya ni Laida ang lahat. Hindi naman siya naghintay na dumating si Miggy sa buhay niya. Iniisip ko tuloy kung dapat pa rin ba akong maghintay. Pero wala rin naman akong pupuntahan. Kung ganun, wala akong choice kung hindi ang maghintay o ang maghanap. Pero kahit mahirap, pinipili ko pa ring magmahal. Sabi nga nila, "Love is a choice." Pinipili ko rin ang taong gusto kong mahalin. Hindi naman ito madali. Wala rin naman atang pag-ibig na madali. Hindi madaling pumili lalo na kung may pamantayang sinusunod. Hindi madaling pumili lalo na kung wala namang pagpipilian. Pero mahirap din namang magmahal ng taong hindi ko gusto. Kahit pareho kami ng intensyon, importante pa rin para sa akin na bagay kami, nagkakasundo kami. Gusto ko sanang maramdaman 'yung kilig na mayroon sila Miggy at Laida. Nakakainggit ang mga tinginan nila at pati na ang mga patago nilang pagkakilig. Gusto kong maranasan 'yun. Gusto kong kiligin. Nangangarap pa rin naman ako. Umaasa. Pero mahirap umasa at mahirap din ang magpaasa. Laging may nasasaktan sa paghahangad ng pag-ibig. Kung hindi ako ang masasaktan, ang mga taong tinatanggihan ko ang masasaktan. Pero, syempre, hindi ko naman sila gustong saktan. Hindi ko rin naman gustong ipilit ang sarili nila sa akin o ipilit ang sarili ko kaninuman. Alam naman siguro natin ang gusto natin, sa ayaw natin. Alam ko ang gusto ko at malalaman ko 'yun kapag nakita ko, narinig ko, at naramdaman ko. Masuwerte nga si Laida kasi isang lalaki lang ang una't huling pag-ibig niya. Sana ako rin pero hindi eh. Malas ata ako sa pag-ibig. Iniisip ko nga na baka hindi ako pangrelasyon. Pero nasasayangan din ako sa pag-ibig na alam kong kaya kong ibigay. Alam ko rin na kaya kong maging mabuting asawa. Nagawa ko na 'yun pero hindi nagtagal. Totoo nga 'yung kasabihan na para lang nagpapalit ng damit sa dami na ng lalaking nakilala ko. Pero pinipili ko rin naman 'yung damit na isusuot ko at alam ko rin kung anong damit ang gusto ko. Gusto ko maging the best at gusto ko rin ng the best para sa akin. Pero minsan, sa pagnanais kong maging magaling, nakakalimutan kong maging mabuti. Pero ganun siguro talaga para maging number 1. Kailangang maging wiser, braver, bolder, and fiercer dahil kung hindi, ako ang talo. Lalo na ngayon na malingat lang sandali o mapakurap lang, may ahas agad na aaligid. Kaya nga importante pa ring pangalagaan ang tiwala sa atin. Trust is indeed a big word. Malaking kawalan din 'to kapag nasira. Parang wala ng katapusan ito. Pero ganun nga siguro talaga, gayunpaman, naniniwala pa rin ako na balang araw magiging masaya uli ako. Wala ngang instant happy ending at wala pa rin namang dapat i-end kasi maaga pa naman, darating din ang Bebe Ko.

1 komento:

  1. Naku Bebe Ko! Kelangan mo lang ng bonggang bonggang POWER HUUUG!! <3

    TumugonBurahin