Biyernes, Marso 29, 2013
SEQUENCE 24: TAKBO / KAMPO / GABI / EXT
Alas siyete ng gabi, nagkita kaming muli ng kaibigan ko sa Camp Aguinaldo. Nagpalit muna ako ng damit bago kami tumakbo. Magjojogging kami. Ngayon na lang kami uli tatakbo ni Krystel, isang kaibigan ko simula kolehiyo. Hindi na kami makapaghintay na muling magkakwentuhan habang lumilibot sa paligid ng kampo. Agad kong nilapag ang aking bag sa kinauupuan ni Krystel at nakilagay din siya ng kanyang gamit. Nang walang pag-aalinlangan, dali-dali kaming nagsimula sa aming balak. Sinimulan namin ang aming kwentuhan sa paglalakad. Mabigat ang mga yabag ng kanyang mga hakbang na mukhang kasingbigat din ng kalooban ng kaibigan ko. Hindi niya kasi malaman kung ano ang gagawin niya sa kanyang buhay. Habang binubuhos niya ang lahat ng kanyang sama ng loob sa pagtakbo, nakikinig lang ako pero iba ang tumatakbo sa aking isipan. Iniisip ko ang pagkakaiba at pagkakapareho namin. Walang trabaho si Krystel sa kasalukuyan kaya naisip niyang kumuha ng Sertipiko sa Edukasyon para makapagturo sa mga bata. Naiinggit ako sa intensyon niya, kasi ako, na mayroong trabaho, hindi pa makatakas sa trabahong hindi ko naman gaanong gusto at hindi rin makapagplano kasi nakatali pa ang mga paa ko kung nasaan man ako. Naiinip na ako. Tila walang kaunlaran sa ginagawa ko sa buhay ko ngayon. Pero kailangan kong gawin, kasi ito ang bumubuhay sa akin, ito ang nagbibigay ng mga pangangailangan at luho ko. Nahihirapan mang tumakbo ang isip at puso ko, pilit pa rin nitong nilalabanan at ginagapang ang bawat araw at gabi para lang lumipas na ang panahon ng pagtitiis ko. Uusad din ang oras. Alam ko, balang araw, mararating ko ang lugar na inaasahan ko. Doon malaya akong makakatakbo kung saan-saan, may damit man o wala. Doon magagawa ko ang gusto ko nang hindi kailangang pilitin ang sarili ko. Doon magiging kusa ang lahat. Tila walang kapaguran. 'Yung tipong ayaw mo ng magpaawat sa ginagawa mo dahil ayaw mong mawala sa iyo ang sandaling nararanasan mo. Oo, alam ko, balang araw, magbabago rin ang ikot mundo. Nalibot namin ni Krystel ang kampo, wala na ang aking bag. Tinakbo na ng kung sino.
Mga etiketa:
Jogging | Takbo | Josh Manuel
Lokasyon:
San Juan City, Philippines
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Very good ending! I love the execution and style. Your scores have qualified you for the next round. You may leave the runway. Pero wag ka na lumingon sa iiwan, nawala o mawawala sa buhay mo ulit ha? Paikot kasi ang tinakbo mo. Me binalikan ka. Kaya nakita mo nawala sayo. Tumakbo ka pasulong, may lingon-likod pero saglit lang at nde paulit-ulit, para marating mo na lugar na inaasahan mo.
TumugonBurahinHaha. Nabaliw ako sa ending, I never see it coming. Well, we are in the same state right now. Don't ask me to elaborate my friend. We will be fine.
TumugonBurahin