Miyerkules, Hulyo 1, 2015

SEQUENCE 38: CLASH OF CLANS / INUMAN / GABI / INT

Ito ang aming relasyon. Parang isang laro. Aatake lang kapag wala ang kalaban. Makikipag-agawan sa pag-aari ng iba. Sisikaping masakop ang teritoryo ng kawawa. Hindi magpapahalata. Parang walang ginagawang masama. Susugod nang palihim. Kailangan siya'y maging akin. Tama ba ang papasukin? Wala muna sigurong dapat isipin. Lahat ay gagawin para sa taong iibigin. Pero kailan pa naging tama ang mali? Kailan matatama ang mali? Hanggang kailan ipaglalaban ang pusong inaapi?   

Nagsimula ang lahat sa isang simpleng inuman. May jowa siya. Madalas silang mag-away. Mukhang hindi magtatagal. Pero walang nakikialam. Hindi ako nakikialam. Tumititig siya sa akin. Pero umiiwas ako ng tingin. Tumatabi siya sa akin. Pero umaalis ako at lumilipat ng ibang puwesto. Hindi mapakali. Paikot-ikot ng upuan sabay nang pag-ikot ng tagay. Isa-isang natutumba ang mga kainuman. Hanggang sa iilan na lang kaming natira. Muli siyang tumabi sa akin. Tulog na kasi ang kanyang jowa. Inabot ang tagay sabay nang pag-abot sa aking kamay. Ngumiti siya sa akin. Ngumiti rin ako nang kaunti. Nagkukuwentuhan sila. Tahimik lang ako. Nagtatagay pa rin siya. Habang naghihintay ng ikot ng tagay, gumapang ang kanyang kamay sa aking mga kamay. Nabihag ako. Hindi ako makatakas. Hindi ko na sinubukang pumiglas. Hinayaan ko na lang. Gusto ko rin naman siya.

Pangalawang beses pa lang naming magkita. Nagkayayaan sa bahay ng inuman. Pumayag ako para makakilala ng mga bagong kaibigan. Sumali ako ng clan para lumawak muli ang aking mundong ginagalawan. Sa hindi inaasahang sitwasyon, dito ko muling natagpuan ang hinahanap na pag-ibig. Naghiwalay sila. Sinubukan nilang ayusin pero hindi nangyari. 

Sinimulan namin ang kwento namin. Muli siyang nagpunta sa bahay. Dalawa na lang kami. Mayroon na kaming usapan. Ang unang humalik, manlilibre ng alak. Nag-usap kami sa kama. Nagtititigan kapag walang mapag-usapan. Nag-aasaran. Naglapit ang aming mga mukha. Nagdikit ang aming mga ilong. Naghihintayan. Magkalapit na ang aming mga labi. Hinihintay na lang kung sino ang mauunang tumuka. Nang hindi na ko makatiis, hinigit ko ang kanyang ulo papalapit sa akin para mauna niya akong halikan. Doon nagsimula ang gabi. Naghalo ang aming laway at pawis hanggang sa makatulog nang magkatabi.

Dumaan ang mga araw. Nag-usap. Naguluhan. Nagsabihan ng "I love you." Nagtawagan ng "Bae." Nagkita. Kumain ng sabay. Nagtabi sa pagtulog. Nagkakilala nang mas malalim. Nag-inuman. Nalaman ng mga kaibigan. Nagtuksuhan. Nag-ibigan kahit hindi pa opisyal ang lahat. Hindi naman kami nagmamadali. Parang tuluy-tuloy na at wala nang katapusan. "Happy?," tanong sa akin. "Happy!" ang mariing sagot ko. 

Nag-inuman muli ang clan sa bahay ng founder. Hindi ako nakasama dahil sa trabaho. Kinabukasan. Sila na ulit at isa na naman akong kabit.

1 komento:

  1. Nag-iwan ka na naman ng mapait na aftertaste. Maganda pagkakasulat mo sa isang pangit na katapusan, alam mo ba yun? Hindi na ko nagtaka. Talento mo iyan. At ang talino mo na nakunekta ang COC sa storya na ito. Napakahusay. Masalimuot, pero huwag mo isipin na karma mo ito. Wala kang kasalanan. Umibig ka lang.

    TumugonBurahin