FOOD CHOICES
Pili ka na kung anong trip mong kainan.
Ano bang papasa sa panlasa mong maselan?
Titikim ka ba o titingin ka lang?
Hindi naman masamang subukan,
Tikman lahat ng ulam.
Basta ingatan ang iyong kaligtasan,
Nang hindi malason ang iyong katawan.
Marami ka namang pagpipilian.
May gulay, baboy, hipon, at sinabawan.
Kanin na nga lang ang kulang.
Pero hindi ganoon kadali ang kalakalan.
Marami kang pagdadaanan,
Marami ring makakalaban,
Baka ikaw ay maubusan,
O kaya naman ay mapagsarahan.
Kaya kailangan handa kang makipagbrasuhan
O makipagsiksikan sa mahabang pilahan.
Magtanong para sa iyong kasiguraduhan
Na sakto sa hinahanap mong lasa ang kasagutan.
Baka madaya ng larawan
Ang tamis na ninanais ng iyong kalamnan.
Dapat nakahanda rin ang iyong pupwestuhan
Nang hindi maabala ang iyong munting handaan.
Namnamin mo ang bawat patak ng orasan.
Baka huli na itong karanasan.
Pwede mo namang idura, kung hindi mo nagustuhan.
Pwede mo ring lunukin, kapag ikaw ay nasarapan.
Sulitin ang bawat asim, alat, tabang, at anghang
Hanggang sa ikaw ay pagpawisan
At mapawi ang iyong kasabikan.
Lahat dito ay mabilisan.
Pansamantalang busugin ang iyong tiyan,
Hanggang magsawa ka sa laman.
Kalimutan muna ang iyong pangalan.
Matindi itong pangangailangan.
Ang galing! Yung akala mo patukoy siya sa isang konsepto (love) tas pagdating mo sa dulo...BAM! Bat parang ibang konsepto pala siya (sex)! Mahusay! More!
TumugonBurahinSalamat anathemayume. Nahuli mo ang aking kwento, ang nais kong sabihin. Swak na swak!
TumugonBurahin