Biyernes, Marso 29, 2013

SEQUENCE 24: TAKBO / KAMPO / GABI / EXT

Alas siyete ng gabi, nagkita kaming muli ng kaibigan ko sa Camp Aguinaldo. Nagpalit muna ako ng damit bago kami tumakbo. Magjojogging kami. Ngayon na lang kami uli tatakbo ni Krystel, isang kaibigan ko simula kolehiyo. Hindi na kami makapaghintay na muling magkakwentuhan habang lumilibot sa paligid ng kampo. Agad kong nilapag ang aking bag sa kinauupuan ni Krystel at nakilagay din siya ng kanyang gamit. Nang walang pag-aalinlangan, dali-dali kaming nagsimula sa aming balak. Sinimulan namin ang aming kwentuhan sa paglalakad. Mabigat ang mga yabag ng kanyang mga hakbang na mukhang kasingbigat din ng kalooban ng kaibigan ko. Hindi niya kasi malaman kung ano ang gagawin niya sa kanyang buhay. Habang binubuhos niya ang lahat ng kanyang sama ng loob sa pagtakbo, nakikinig lang ako pero iba ang tumatakbo sa aking isipan. Iniisip ko ang pagkakaiba at pagkakapareho namin. Walang trabaho si Krystel sa kasalukuyan kaya naisip niyang kumuha ng Sertipiko sa Edukasyon para makapagturo sa mga bata. Naiinggit ako sa intensyon niya, kasi ako, na mayroong trabaho, hindi pa makatakas sa trabahong hindi ko naman gaanong gusto at hindi rin makapagplano kasi nakatali pa ang mga paa ko kung nasaan man ako. Naiinip na ako. Tila walang kaunlaran sa ginagawa ko sa buhay ko ngayon. Pero kailangan kong gawin, kasi ito ang bumubuhay sa akin, ito ang nagbibigay ng mga pangangailangan at luho ko. Nahihirapan mang tumakbo ang isip at puso ko, pilit pa rin nitong nilalabanan at ginagapang ang bawat araw at gabi para lang lumipas na ang panahon ng pagtitiis ko. Uusad din ang oras. Alam ko, balang araw, mararating ko ang lugar na inaasahan ko. Doon malaya akong makakatakbo kung saan-saan, may damit man o wala. Doon magagawa ko ang gusto ko nang hindi kailangang pilitin ang sarili ko. Doon magiging kusa ang lahat. Tila walang kapaguran. 'Yung tipong ayaw mo ng magpaawat sa ginagawa mo dahil ayaw mong mawala sa iyo ang sandaling nararanasan mo. Oo, alam ko, balang araw, magbabago rin ang ikot mundo. Nalibot namin ni Krystel ang kampo, wala na ang aking bag. Tinakbo na ng kung sino.

Biyernes, Marso 22, 2013

SEQUENCE 23: MAG-ISA / KALSADA / GABI / EXT

Mahigit dalawang taon na akong naglalakad mag-isa. May mga nakakasabay ako, pero hindi ko kakilala. May tumatabi sandali, pero umaalis din agad. Walang nagtatagal, walang natitira, kundi ang sarili ko lang. Sanay na ako. Sinanay na ako ng pagkakataon na harapin ang bawat umaga at gabi ng walang kasama. Wala akong ibang aatupagin at iisipin kung hindi ang sarili ko lang. Ayoko man masanay sa ganitong klaseng buhay pero ito ang meron ako. Nais ko sanang baguhin ang nakasanayan na. Ilang beses kong tinangka ang lumihis ng daan, nagbabakasakaling baka doon, matagpuan ko na siya. Sabi nga nila, hindi ito hinahanap, kusa itong dumarating. Pero paano kung hindi mo gusto ang dumating? Ipipilit mo pa ba? O baka naman, sa sobrang tagal niyang dumating, baka pwedeng ako na ang sumalubong sa kanya. Naiinip na ako, kakahintay, kakaabang. Gusto ko ng may mangyari. Gusto ko ng mabago ang klase ng buhay meron ako. Gusto kong sumaya muli. Handa na akong masaktan ulit. Gusto ko na uling umiyak dahil niloko niya ako. Pero, wala pa rin talaga. At saka, parang hindi pa man nagsisimula, parang tinatapos ko na agad. Hindi ko ikakaila na umaasa pa rin naman ako na may magtitiyagang samahan ako mula sa paggising hanggang sa pagtulog ko. Pero, hindi ko rin matanggal sa isip ko na baka panandalian lang ang lahat. Isang araw, gigising ako na wala na ulit akong katabi. At isang gabi, matutulog ako ng wala na akong kayakap. Ayoko sanang isipin na sa hiwalayan din naman mauuwi ang lahat. Pero may mga bagay na hindi maiiwasan at hindi mawawari hangga't nangyari na ang hindi inaasahan. Napakawalang kasiguraduhan ng landas na tinatahak ko. Hindi ko alam kung saan ako patutungo. Pero nangangarap pa rin ako na balang araw may makatabi ako sa aking pag-iisa, sa aking paglalakbay.