Miyerkules, Agosto 29, 2012

SEQUENCE 18: BIRDCAGE / GABI / INT


Gabi na naman. 
Nagsipasukan na muli ang mga ibon sa kanilang kulungan.
Gutom na gutom.
Humahanap ng kapwa ibong matutuka. 
Nagbabakasali. 
Nag-aabang. 
Naghihintay.
Nag-iikot-ikot.
Tila nakikipaghabulan.
Kahit walang pinatutunguhan.
Akyat-baba sa paglipad patungo sa 'di malaman.
Walang mapuntahan.
Walang mapaglagian
Walang mapaglaruan.
Nabubuhay sa diliman.
Naghahangad na makatagpo ng kung sinuman.
Kahit walang pangalan.
Kahit walang pagkakakilanlan.
Kahit ano pagt'yat'yagaan.
Kahit tanging anino lang ang nasisilayan.
Wala ng pakialamanan
Wala ng pamantayan.
Kahit wala ng mukhang mapagmamasdan.
Ayos lang.
Patay-gutom na sa laman.
Kahit ano titikman.
Kahit anong parte hahawakan.
Makikipag-agawan.
Kahit sa anong paraan.
Kahit may kahati, binabalewala na lang.
Mapagbigyan lang ang kagustuhan.
At takasan ang init ng nararamdaman.
Kahit laway didilaan.
Matanggal lang ang uhaw na nararanasan.
Pati pawis hindi tatantanan.
Hanggang sa magkasawaan.
Biglang iiwanan.
Gan'un lang.
Wala man lang paalamanan.

Lunes, Agosto 20, 2012

SEQUENCE 17: KULONG / KWARTO / ARAW-GABI / INT

Kasalanan ko, umibig ako. Hinayaan kong ikulong ang aking sarili, ang aking pag-ibig. 

Perpekto ang lahat sa simula, maituturing na isang paraiso, langit kumbaga. Hindi man kalakihan ang kwartong aming pinagsasaluhan, sapat na ang espasyong ito para sa aming dalawa. Hindi masikip, hindi maluwag. Ito ang nilikha naming mundo, ang mundong nilikhang ng aming pag-ibig.

Piping saksi ang bawat sulok ng kwarto sa aming pagmamahalan. Lahat-lahat ay nakita nito, narinig, naamoy, at naramdaman. Ang silid na ito lamang ang nakakaalam ng aming nararamdaman, wala ng iba. Walang ibang nakakaalam na nagmamahalan kami kundi ang mga unan, baso, plato, tabo, inidorong ginagamit namin, ang mga ipis at butiking nagsisidaanan, at pati na rin ang sahig na aming hinihigaan. 

Gusto ko man ipagsigawan sa buong mundo na mahal ko siya, hindi ko magawa. Magmumukha lang akong tanga. Magmumukha lang akong gumagawa ng istorya. Gusto ko sanang ipangalandakan at ibahagi sa kalsada, sa dyip, sa bus, sa mall, sa puno na kaming dalawa pero ayaw niya. Mas gusto niyang manatili sa kanyang munting palasyo, magpahinga, at magkulong.

Kapag nag-iisa na ko at hindi ko na siya kasama, hindi ko mapigilan ang sarili ko na mag-isip tungkol sa kanya at maghanap ng pagpapadama ng pagmamahal niya. Hindi man lang kasi siya nagtetext o nag-uupdate ng status, dahil wala siyang Facebook at Twitter. Kala ko okay lang na gan'un, makakaya ko. Pero nawawala 'yung kilig, nawawala 'yung landi na hinahanap ko. Nakukulangan ako. Parang gusto kong kumawala sa pagkakakulong. Pero sa tuwing bumabalik ako sa aming kanlungan, nakakalimutan ko ang lahat ng hinanakit ko, lahat ng pagnanais kong kumawala. Isa pa rin ang kinakahantungan ng lahat, mahal ko nga talaga siya.

Pero hanggang kailan tatagal ang ganito? Gusto ko ng pag-unlad sa aming relasyon pero nakakahon kami, nakakulong sa sarili naming mundo. Walang ibang meron, kundi ang isa't isa. Sapat na nga ba 'yun?