Miyerkules, Hunyo 27, 2012

SEQUENCE 16: LIMANG MINUTO / JEEP / GABI / INT

Limang minuto lang kaming nagkita. Hindi niya man lang ako kinausap, hindi man lang niya ko tinitingnan. Para bang may malaki akong kasalanan na nagawa sa kanya. Hindi rin ako makatingin sa kanya. Nahihiya ako. Pasulyap-sulyap lang ang tingin ko sa kanya. Pasimple kong tinititigan ang salamin kapag nasa malayo ang kanyang tingin, naghahangad ng kanyang pansin. Gustong-gusto kong sulitin ang pagkakataong iyon dahil baka hindi na kami magkitang muli. Ayaw ko matapos ang lahat ng ganun-ganun na lang. Kung kaya ko lang patigilin o pahabain ang oras, gagawin ko, basta makasama lang siya nang mas matagal. Hinding-hindi ko makakalimutan ang bawat sandaling iyon, lalo na ang bawat bahagi ng kanyang mukha. Inukit ko na ito sa aking isipan para sa tuwing pipikit ako, ang mukha niya ang tangi kong maaaninag. Mabuti na lamang mabagal ang takbo ng dyip. Hindi ko na nga napapansin ang drayber, parang kaming dalawa lang ang magkatabi. Pati ang ingay ng mga tao sa aming likuran ay hindi ko na napapansin, tanging ang paghinga lamang niya ng malalim ang aking naririnig. Sa bawat pag-ihip ng hangin, nalalanghap ko ang amoy ng kanyang pabango. Ginawa kong singhutin lahat ng kaya kong singhutin dahil alam kong baka hindi na kami muling magkita. Malamang kung muli man magtagpo ang aming landas sa daan, natitiyak kong hindi niya ko papansinin. Iiwasan niya ako tulad ng lubak sa kalsada. Gusto ko sanang subukang kausapin siya pero nagdadalawang-isip ako, naguguluhan sa pwedeng mangyari kaya pinili kong manahimik na lang at tanggapin ang katotohanan. Nalulungkot ako kung bakit nangyayari sa akin ito. Lagi na lang akong umaasa na may magmamahal pa sa akin. Akala ko nga siya na, pero...

Bigla siyang pumara sa tabi at bumaba ng dyip. Nagmamadali. Gusto ko sanang pigilan siya pero huli na ang lahat. Nandoon ang aking panghihinayang na sana ay nasabi ko ang aking nararamdaman. Wala na siya. Hindi na muling babalik. Ni hindi man lang lumingon para sa isang huling sulyap. Sayang! Sayang at hindi ko man lamang nalaman ang pangalan niya.

Sabado, Hunyo 9, 2012

SEQUENCE 15: PLANET ROMEO / GABI / INT



Hindi na bago sa akin ang rejection. Parang kanin na nga lang sa akin ito, staple food kumbaga. Sa litrato pa lang nahuhusgahan na agad ang buong pagkatao ko. Hindi pa man ako nakikita sa personal, tinatanggihan na ko, hindi nirereplyan, hindi man lang nabibigyan ng pagkakataong mapakita kung sino ako. Minsan tuloy, pakiramdam ko, ang panget ko. Iniisip ko na lang, kapag ganun, kung panget man ako, isa naman siguro ako sa may mga itsura sa mga panget. O kaya naman, hindi lang talaga siguro ako ang tipo nila.


Kaya minsan, natutuwa ako kapag may nagmemessage sa akin na may itsura, malakas ang dating o kahit maganda na lang 'yung katawan. Feeling ko, ka-lebel ko sila ng ganda o kaya naman mabait lang talaga sila. Pwede rin namang natuwa lang sila sa nabasa nila sa profile ko. Minsan, pakiramdam ko baka "This is it!" , baka siya na ang hinihintay o hinahanap ko, kahit sex lang papatusin ko na. Pero madalas, hindi happy ang ending. Napadaan lang pala siya sa inbox ko, hindi man lang nagtagal at tumambay. 


Minsan naman, iisipin mo sana picture na lang sila, hindi nakakapagsalita. Para hindi mo na malaman na bobo sila o para hindi mo na maamoy na mabaho pala 'yung hininga nila. Sana picture na lang sila, sa personal kasi hindi naphophotoshop ang madungis na kutis at galis sa katawan. Sana hindi na lang din kayo nagkachat o nagkatext para 'di mo na nalaman na mahina sila sa spelling at grammar. Sana hindi mo na lang din sila nakitang kumilos, para hindi na nahiya ang bulak sa pagkalambot nila. Sana hindi mo na lang din nalaman na discreet sila, para hindi ka na nag-expect. Sana hindi na lang kayo nagsex para hindi mo na nalaman na jutay lang pala. Mahirap talaga makita ang nakatago. 


Mahirap na rin kasi ngayon makahanap ng tao na pareho kayo ng interes. Nakakalungkot na ang mga tao rin ngayon, mga mali na agad ang nakikita kaya ang madalas na ending, rejection. Minsan sa dami ng options mo, ang ending, wala palang matitira sa options mo kung kaya naman mangongolekta ka na naman ng bagong prospect. Paulit-ulit na lang ito tila walang katapusan hanggang sa makita mo na ang hinahanap mo. Pero kailan mo makikita ang hinahanap mo? Makikita mo pa kaya? O baka naman wala kang hinahanap? Kung wala kang hinahanap, anong ginagawa mo? Maghahanap ka pa ba kung wala ka namang mahanap? Bakit kasi naghananap kung wala ka namang mahahanap? Hanggang kailangan ka aasa na makakahanap ng taong hinahanap mo? Walang katapusang tanong, wala ring maisagot. Pero, nagpapatuloy ka pa rin, umaasa, naghihintay, naghahanap, nagbabakasakali. "Malay mo!"