Sabado, Abril 21, 2012

SEQUENCE 14: TEATRO / GABI / INT



Magsisimula na ang palabas at tumayo na ang lahat para sa pambansang awit ng Pilipinas pero hindi niya pa rin ako pinapansin. Ngayon lang kami ulit nagkita ng Mahal Ko na dating ako rin ang kanyang mahal. Kahit matagal na kaming nagkahiwalay, Mahal Ko pa rin ang tawag ko sa kanya. Para kasi siyang baterya sa aking relo na nagpapatakbo ng aking oras. Ngayong wala na siya sa aking tabi ay tila huminto na ang pag-ikot ng aking mundo.

Tila itinakda ng pagkakataon ang aming pagkikita. Manunuod kami ng dula tungkol sa pag-ibig sa Wilfrido Ma. Guerrero Theater sa AS. Hindi ako mapalagay. Mabilis ang pagtibok ng aking puso at parang nilagyan ng speakers ang ipod nang marinig kong mas lumalakas ang tunog nang pagpintig ng aking puso. Mas kinabahan ako nang bigla siyang sumulyap sa aking kinalalagyan. Kung gagamit lang ako ng headset sa cellphone, mas maririnig ko ang pagdagundong nang isinisigaw na aking puso. Pero syempre hindi ako nagpahalata at sinuklian ng ngiti ang kanyang pagtingin, pero, hindi pala siya sa akin nakatingin. Naramdaman ko na para akong remote sa kanyang t.v. na ok lang na kung naririyan at pwede ring wala. Pero kung ako man ang remote sa kanyang t.v., sisiguraduhin kong mas giginhawa ang kanyang buhay, pero iba ang aking nararamdaman. Nararamdaman kong para lamang akong virus sa kanyang computer na pinipilit niyang burahin sa kanyang isipan.

Para akong laptop na walang charger sa puntong iyon at tila malolowbat na ako. Lalo na noong may bigla na lamang tumabi sa kanya. Matatamis ang kanilang mga ngitian na tila dalawa lamang sila sa kanilang kinalalagyan. Hindi na nga nila napapansin ang palabas at ganoon din ako. Naisip ko na kung maaari ko lang sigurong burahin ang mga panget na kabanata ng aming pagsasama, tulad ng kung gaano kadali magbura ng mga litrato sa memory card ng aking digicam, sana ay mas madali kong maaayos ang lahat. Nais kong itama ang aking mga pagkakamali. Pero mukhang huli na ang lahat dahil may iba nang nagbibigay ng gas sa kanyang kotse, may iba na siyang mahal at hindi na ako iyon.

Sa pagkakataong ito, para akong tinanggalan ng mikropono sa videoke dahil nahihirapan akong makaiskor sa Mahal Ko. Gusto kong humingi ng tawad sa kanya pero hindi ako pinahihintulutan ng sitwasyon. Kung sabagay, kasalanan ko naman ang lahat. Mas pinili kong mahalin ang aking sarili kaysa pagtuunan siya ng pansin kaya ngayon sa ibang kandungan siya nakahanap nang pupuno sa aking mga pagkukulang.

Tapos na ang palabas. Tulad nang pagkaubos ng tinta sa printer, ubos na rin ang pag-asa ko sa kanya. Sarado na ang telon at patay na ang mga ilaw.    

Sabado, Abril 7, 2012

SEQUENCE 13: B-MEN CLAN / UNLI DAY AND NIGHT / INT-EXT

Text Clan - SEQUENCE 13: CLAN / UNLI DAY AND NIGHT / INT-EXT - B-men


Kasabay ng paglabas ng mga cellphones noong huling bahagi ng dekada 90 ang pag-usbong ng mga text clans. Hindi naman mabubuo ang mga text clan kung wala pang teknolohiyang gagamitin para sa pagtetext. Bukod sa pagpapakalat ng text clans sa pasalita, naging daan din ang telebisyon pati internet para sa panghihikayakat na sumali sa mga text clans. Noong magsimula ito, nagkaroon ng konotasyon ang pagsali sa clan sa pagiging jologs. Marahil, hinalaw ang obserbasyong ito sa mga itsura ng mga dumadalo sa mga GEB at pati na rin sa kanilang pag-iistambay ng matagal doon nang walang ginagawa. Gayunpaman, hindi pa rin napigil ang paglaganap ng clan, at sa ganang ito, nakabuo ang mga homosekswal at bisekswal ng sarili nilang bersyon ng clan na umiral noong pagpasok ng bagong milenyo.

Sa pormal na pananaw, ikinakabit ang clan sa relasyon ng magkakadugo o magkakamag-anak. Hindi naman maihihiwalay ang pagturing nating mga Pilipino sa taong malalapit sa atin bilang kapamilya. Lalo na sa isang lugar, halos magkakamag-anak ang lahat ng nakatira sa isang karsada. Kahit malayo na ang kaugnayan ay tinuturing pa ring kapamilya. Mahalaga para sa atin ang konsepto ng isang pamilya dahil sa ating “close-family ties.” Kaya hindi maitatanggi na sanay na sanay ang mga Pilipino sa pakikipagkapwa.

Hindi maaaring mag-isa ang Pilipino, lagi nating gustong may kasama tayo. Nahihirapan tayo kapag nawawalay tayo sa ating pamilya dahil lagi silang nariyan simula ng mga bata pa lang tayo. Kahit saan man tayo pumunta, gusto nating kasama ang mga mahal natin sa buhay. Sa lahat ng ginagawa natin, laging iniisip natin ang ating mga pamilya kung ano ang iisipin at mararamdaman nila.

Isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit sumasali ang isang indibidwal sa clan ay dahil sa pakikipagkaibigan. Tulad na lamang ng pagsali ng mga estudyante sa mga organisasyon sa kanilang paaralan, sumasali rin ang isang tao sa clan para makahanap ng kaibigan, sa personal man o kahit sa text man lang. Napakalaki ng kaugnayan ng pakikipagkaibigan sa pakikipagkapwa dahil sa pagbubuo nito ng isang relasyon.

Text Clan - SEQUENCE 13: CLAN / UNLI DAY AND NIGHT / INT-EXT - B-men


Ako rin ay sumali sa clan dahil sa pakikipagkaibigan. Nagsimula ako sa pagiging myembro hanggang sa yayain akong bumuo ng clan. Anim kami noon at bago pa lamang akong myembro. Hindi nagustuhan ng mga kasama ko ang pamamalakad sa clan na sinalihan namin kaya nagdesisyon sila na umalis na sa clan na iyon at bumuo ng bago. Kaming anim ang naging opisyal ng clan at ako ang nagmungkahing B-men ang maging pangalan ng clan. Naisip ko kasi na para kaming X-men, na “mutants” sa lipunan. Ang “mutants” ay kakaiba sa lahat at madalas ay nakukutya at hinuhusgahan ng lipunan tulad ng mga bakla at bi. Bukas sa interpretasyon ang B-men at walang depenidong kahulugan. Maaaring “bisexual men,” “beautiful men,” “baklang pa-men,” o “be men.” Mahigit sa tatlong taon na ang B-men ngayon at matatag pa rin ang aming samahan. Isa pa sa maganda sa clan lalo na sa B-men, napakalayo na nang mararating ng bente pesos mo. 

Naihahalintulad din ang clan sa isang fraternity na isang kapatiran. Ang kapatiran ang pinakanilalaman ng misyon at bisyon ng isang clan. Kung mapapansin, ang kapatiran ay hango sa salitang kapatid na isang myembro ng pamilya. Kahit magkakaibigan lamang ang mga myembro ng clan, dahil sa misyon at bisyong ito ay nagiging magkakapatid ang hangaring pagtuturingan sa loob ng clan. 

Isa pa sa mahalagang bubuo sa clan ay ang mga batas. Ang mga batas na ito ang siyang magtatakda ng limitasyon ng mga myembro. Gagabay ito sa kanila nang sa gayon ay hindi sila matanggal o ma-terminate sa clan. Ang pinaka-esensya ng batas ay ang paggalang sa bawat isa. Sa ganang ito, makikitang nakabuo na ang clan ng sarili nilang sistema na kung sinumang pumasok sa sistemang ito ay nararapat lamang na sumunod dahil kung hindi ay maaari silang umalis nang kusa o ma-terminate.

Hindi basta-basta ang pagsali sa clan. Ang mga taong gustong mapabilang dito ay daraan pa ng isang “screening test”. Ang mga opisyal sa pamumuno ng Founder ang makikipagpanayam sa mga newbies. Sila ang magbibigay ng oryentasyon tungkol sa pamamalakad sa clan. Kung pasado sa istandard ng namumuno ay mapapa-welcome agad ang isang newbie. Ang pagpapa-welcome ang tawag sa proseso ng pagpasok sa clan. Kapag pinawelcome na ang isang tao, nangangahulugan lamang ito na bahagi na siya ng clan. Isa itong kaugalian din ng pamilyang Pilipino. Ang pagiging hospitable natin sa pagtanggap at pagbibigay-importansya, lalo na sa mga bisita o sa mga bagong dating. Bahagi ito ng pakikipagkapwa nating mga Pilipino.

Ang ibang mga clan ay nagiging mahigpit sa itsura. Tinitingnan muna ang mga Facebook accounts ng mga gustong sumali. Ang pagiging mapili naman ng mga clan sa kanilang myembro ay isa lamang pagsisiguradong magagampanan ng mga newbies ang mga hinihingi ng clan. Dahil sa clan, dalawang bagay ang mahalaga, una ay ang pagpapadala ng pangkalahatang mensahe sa lahat ng myembro. Tatlong GM ang kinakailangang ipadala ng isang myembro kada araw o kaya ay labinlimang GM kada linggo. Ang ikalawa ay ang pagdalo sa GEB. Mahalaga ito sapagkat dito mas makikilala ang isang myembro at dito masusubok kung makakayang makisalamuha ng bagong myembro sa mga dati ng mga myembro.

Ang pagganap sa mga tungkulin sa clan ay kailangan gawin sapagkat una at higit sa lahat, wala namang pilitan sa pagpasok sa clan. Kaya dapat maging buo ang paglalaan ng sarili dito dahil sarili itong desisyon ng myembro. Parang utang na loob ang pagpasok rito dahil makikinabang ang mga sumali sa pinaghihirapan ng mga bumuo ng clan. Ang benepisyong tinutukoy ko ay ang tsansang maaaring matagpuan ng isang tao sa clan ang tunay niyang kaibigan, pwede ring isang katalik at higit sa lahat, ang taong magmamahal sa kanya. Pero, utang na loob din ng mga opisyal ang pagsali ng isang myembro sa clan dahil kapag walang myembro ang clan, mamatay ito o madidisolba. Ang pagpasok at paglabas sa clan ay napakabilis kaya patuloy din ang pagpapalit-palit ng mga tao. Pero hangga’t myembro ang isang indibidwal sa clan, kailangang makisama at gawin ang mga tungkulin bilang isang myembro.

Text Clan - SEQUENCE 13: CLAN / UNLI DAY AND NIGHT / INT-EXT - B-men