Huwebes, Hunyo 8, 2017

SEQUENCE 42: KATAPUSAN / KAARAWAN / GABI / INT



Hindi ko alam kung kailan ako matatapos magbilang
ng mga araw, buwan, taon, minuto, at segundo.
Hindi ko alam, wala na akong alam.
Hinihintay ko na lang matapos ang lahat.
Buong buhay ko nangarap ako maging ganito, maging ganyan.
Pero ngayon, iba na, tumigil na akong mangarap
at hayaan na lang mangyari ang mangyayari.
Tanggap ko na kung ano ako, kilala ko na kung sino ako.
Wala na akong pakialam sa sasabihin ng iba.
Ang gusto ko na lang, maging masaya. Pero hindi ako masaya.
Malungkot ako. Para akong pinapatay sa araw-araw.
Hindi ko alam kung saan nanggagaling ‘yung sakit
pero hindi ako mapakali sa sobrang sakit na gumagapang sa katawan ko.
Gusto kong sumigaw nang malakas pero walang boses na lumalabas.
Hindi ko alam paano matutulungan ‘yung sarili ko. Nanghihina ako.
Wala na akong maramdaman. Nauubos na ako. Sagad na sagad na.
Nakatulala na lang ako sa kalangitan. Pinagmamasdan ang mga bituin.
Hinihintay ko na lang na mawala ako, liparin ng hangin o agusin ng tubig.
Bumalik sa aking isipan ang lahat ng alaala.
Naging masaya naman ako pero ngayon nasasaktan pa rin ako.
Ayaw ko na ng sakit. Ayaw ko na! Napapagod na ako.
Sa totoo lang, hindi ako natatakot mamatay.
Mas natatakot pa akong tumanda kaysa mamatay akong nag-iisa.
Sana bata na lang ako ulit. Malayang makapaglaro, walang pinoproblema.
Naalala ko tuloy nang matuto akong magbilang.
Naglalaro ng taguan. Pinipikit ang mga mata.
Naghahanap, naghihintay, nagbibilang.
Pagbilang ko ng sampu, nakatago na kayo.
Isa, dalawa, tatlo, apat, lima, anim, pito, wala, siyam, sampu.
Sa pagdilat ko, wala na ang mga tao, wala na ang pamilya ko, kaibigan ko.
Wala ka na rin. Mag-isa na lang ako.

SEQUENCE 41: KASAL / GABI / INT



Minsan kailangan nating mamili,
Mula umpisa hanggang sa huli,
Mula sa mahirap hanggang sa madali,
Mula sa totoo hanggang sa kunwari.
Marami tayong mahalagang pagpili
Na dapat desisyunan at kailangang panindigan.
Pinipili natin maging masaya
Pinipili natin maging malaya
Pinipili natin mabuhay
Pinipili natin magmahal
Kaya pipiliin din natin magpatawad
Pipiliin natin magpakumbaba
Pipiliin natin sumubok
Pipiliin natin hindi sumuko
Pipiliin natin sumugal
Kasi gusto nating piliin na 
patuloy na magmahal.
At pipiliin natin ang taong alam nating pipiliin din tayo hanggang sa huli.
Lahat ng narito ay pinili,
Bunga ito lahat ng pagpili.
Dahil ngayong gabi, pinili niyong dalawa,
Coco at JP, na mahalin ang isa't isa.

#congratulations
#CocoAndJPSayYes