Isang
oras na, wala pa rin sila. Kanina pa ‘ko nag-aantay. Nag-aasikaso ng lugar na
ako rin ang nagpareserba. Sinisigurado na handa na ang lahat bago sila
dumating. Dalawang oras na, unti-unti na silang dumarating. Nagsimula na ang
inuman pati na rin ang kantahan.
Sila ang pamilya ko mula nang mag-migrate ang tunay kong pamilya papuntang
America. Hindi ko sila kilala, hindi ko rin kaanu-ano. Nakilala ko lang. Naging
kaibigan sa FB. Sa isang taon naming magkakasama, naging kaibigan ko na ang
iba. Alam ko na rin ang mga kuwento nila pati ugali nila.
Bawat isa kanya-kanya ang eksena. May magjowang naghiwalay tapos nagbalikan,
may hindi nagpapansinan noon tapos sila na ngayon, may mga mag-ex na nagdedeadmahan,
may magkaaway noon tapos magbestfriends na ngayon, may daraan lang pero parang seen
lang sa GC, may tahimik pero umiikot ang mata, may maingay na komedyante tapos
effem pa, may kanta nang kanta kahit sintunado, may bet ng bayan, may laitera,
may malakas uminom tapos maoy, may hindi iinom kasi walang pang-ambag, may
naka-pineapple juice lang tapos maaga uuwi, at marami pang iba. Iba-iba ang
kuwento nila pero lahat sila nasa isang tahanan, sa isang clan. Lahat maganda,
lahat bida.
Pati ako, iba ang kuwento ko. Hindi ko alam kung paano ko nakakakaya na hawakan
at pamunuan ang isang grupo ng mga bakla na may malalakas na personalidad?
Hindi ko rin alam kung bakit ko ‘to ginagawa o hanggang kailan ko ‘to gagawin? Nakakapagod
rin. Wala namang ‘tong bayad. Minsan abonado pa ‘ko. Minsan ako pa ‘yung
masama.
Siguro ito ‘yung pagmamahal na walang hinihinging kapalit. Siguro ito ‘yung
misyon ko sa buhay. Siguro ito ‘yung pumupuno sa kawalan ng aking pamilya. O
siguro bored lang ako.
Bakit nga ba ako sumali ng clan? Bumabalik ako sa dahilan na gusto kong
magkaroon ng kaibigan. Kaya sa tuwing may makakaalitan ako, iniisip ko kung
bakit ako sumali. Hindi ako sumali para makipag-away. ‘Yung away nga ng iba
naaayos ko pero sarili kong away hindi ko maayos. Pero nakakatuwa rin naman kapag
may mga members ako na nakakahanap ng pag-ibig sa clan. Sana lang tumagal sila.
Kasi kapag hindi, magleleave or magkiquit ‘yung isa, tapos ‘yung isa mag-stay
tapos makakahanap ng iba. So problema na naman. Sa tagal ko na sa pagka-clan,
kabisado ko na ang bawat kuwento, kilos, galaw, at salita ng mga bakla.
Masaya naman ako. Parang ‘yung Protégé na nga ‘yung jowa ko. Pagkagising ko,
mag-Good morning ako sa GC. Ganun din kapag matutulog na, Goodnight Protégé.
Kapag kakaen ng lunch or dinner, mag-aayang kumakain o magtatanong kung kumain
na ba sila. ‘Yung mga gala ko, inuupdate ko sila. Nakasanayan ko nang
kumustahin ang Protégé, ma-miss ang Protégé, at mapamahal sa Protégé. Kaya mahirap sa akin ang umalis kasi parang kailangan
kong makipagbreak sa jowa ko.
Pero pagkatapos ng lahat, paano ako? Paano naman ang sarili ko? Tapos na ang
MEB. Uuwi na ‘ko. Matutulog. Mag-isa. Madilim.