Hindi ako nagbago. Hindi mo lang siguro ako kilala.
Hindi ako nagbago. Natuto lang ako. Natuto sa karanasan ko, sa katangahan ko, sa kahinaan ko. Kaya ngayon natuto akong lumaban at ipagtanggol ang sarili ko, ang pamilya ko, at mga kaibigan ko.
Nakilala ako na punung-puno ng purong pagmamahal, pagmamahal na walang hinihinging kapalit at hindi lamang para sa sarili. Pero nasira ang aking pagiging inosente ng karanasan ko, dahil sa mga nabigo kong pag-ibig. Ibinibigay ko kung anong meron ako, kung ano ako, at sobra sobra pa. Pero nakakalimutan ko magtira para sa sarili ko. Wala akong naitabi para sa akin. Nabasag ako at nagkapira-piraso. Nadungisan ang puso ko. Alam kong hindi lisensya ang panloloko sa akin para manloko rin ako. Hindi rin ito nagbibigay karapatan sa akin na tumanggi dahil tinanggihan din ako. Marami akong kayang ibigay na pagmamahal. Pero natatakot ako. Natatakot ako na baka hindi ito masuklian, na baka hindi ito maibalik. Natatakot akong mabasag muli.
Oo! Mag-isa ako. Matagal na akong single. Walang jowa, walang pamilya kasi nasa ibang bansa. Pero may kaibigan ako. Nabubuhay ako ngayon dahil sa mga kaibigan kong nagmamahal sa akin. Lahat ng mga nakasulat sa banyo ko, kaibigan ko sila. Sila ang tanda na kahit kailan, wala man akong katabi, hindi ako kailanman mag-iisa. Kasi alam ko, isang tawag ko lang, alam kong may handang makasama ako, may pamilya ako.
Unti-unti kong binuo ang sarili ko sa tulong ng mga kaibigan ko. Kung saan-saan pumunta para hanapin ang sarili. Kung sinu-sino ang nakilala para mahanap ang taong muling bubuo sa akin. Hinahanda ko lang ang sarili ko. Para sa susunod na magmamahal ako, hindi na ako masisirang muli kasi buo na ang pagkatao ko, kilala ko na kung sino ako, alam ko na kung ano ako at ano ang gusto ko. Alam ko na maraming nagmamahal sa akin, kaya wala ng tao ang kaya pang makapanakit sa akin, kasi matibay na ako, matatag na pundasyon ko.
Pero may kinakatakot akong muli. Sa sobrang pagpoprotekta ko na hindi masaktang muli, sa sobrang tigas ko na, baka bato na ang puso ko at hindi na makapagmahal muli.