Huwebes, Agosto 14, 2014

SEQUENCE 31: SJA BATCH 2004: ISANG DEKADA NA, _____ KA PA BA? / BAR / GABI / INT

Isang gabi ng pagkikita-kita. Isang lugar, isang mithiin. Walang dibisyon, walang seksyon, walang grupo-grupo, walang kanya-kanya. Lahat tayo sama-sama, lahat tayo magkakakilala, lahat tayo iisa.

Isang dekada na, aarte ka pa ba? No outsiders allowed, tayo-tayo lang, para walang LQ, walang KJ, walang OP. Isang gabi lang. Isang gabi lang ang hihiramin namin sa jowa mo, asawa mo, nanay mo, boss mo, at kabit mo. Isang gabing lang na sinisigurado namin sa'yong hindi mo pagsisisihan.
Isang dekada na, kuripot ka pa ba? Siguro hindi mo naman ikakahirap ang isang libo. Isang gabi lang, isang beses lang, isang libo lang, sulitin mo na lang. Isipin mo na lang na sa isang libo mo, nakapagbigay ka, nakapag-ambag ka, nakatulong ka, at nakapagsaya ka. Nakapagbigay ka ng maliit na kasiyahan sa iyong batchmates. Nakapag-ambag ka kahit isang beses sa buhay mo. Nakatulong kang maisakatuparan ang pagkikita-kitang ito. Nakapagsaya ka ng bonggang-bongga kasama ang mga lumang kakilala at kaibigan. Gumastos ka naman, one time lang.

Isang dekada na, mag-confirm ka na. Huwag mo ng palampasin pa, huwag mo ng pag-isipan pa. Uulitin ko, isang gabi lang 'to, isang beses lang 'to. Kaya sumama ka na. Magparty-party na tayo!


St. John's Academy - Batch 2004 - Reunion


At naganap na nga noong May 3, 2014, Sabado, 6pm, sa Last Home Bar, Home Depot ang St. John's Academy Batch 2004 Reunion na may temang "Isang Dekada Na, ___________ Ka Pa Ba?" Naging masaya ang pagtitipon-tipon ng mga SJA Alumni na dinaluhan ng mga 70 katao. Dumating din ang apat na gurong malapit sa puso ng nakararami. Sina Mrs. Emerita Tagal, Mrs. Mitos Balobalo, Mrs. Zarah Jane Norella, at Mrs. Shirley Nadurata. Inumpisahan ang kasiyahan sa kainan at inuman. Mayroon ding photobooth na libre para sa lahat.

Nagulat ang lahat na may programa palang inihanda ang mga organizers. Mas lalong nagulat ang lahat sa ginawang Opening Number ni Josh Manuel (ako yun) gamit ang I Am Changing na kanta mula sa pelikulang Dreamgirls. Nahirapan tuloy manguna ng dasal si Regina Manalang-Villa. Nagbigay ng panimulang pagbati si Regina "Arni" Macalincag na sadyang umuwi sa Pilipinas galing pang Japan para makapunta sa pagdiriwang na ito. Sina Leslie Dizon at Josh Manuel ang mga hosts ng gabing iyon. Pinatawa nila ang mga manunuod hanggang sa matapos ang programa. Muntik pa ngang mahulog sa kanyang kinakaupuan si Mrs. Tagal dahil sa kakatawa. Nagkaroon ng mga video presentation, raffle at games. Naghandog din ng awitin si Katrina Saba at Jamie Rose Santos na mahuhusay pa ring umawit. Wala pa ring kupas sa pagsayaw si Tina Guiyab na nagbigay ng kaunting sample sa paghataw. Siya rin ang nagbigay ng pangwakas na mensahe. Nagkaroon din ng patalbugan ang dalawang hosts sa pagrampa sa pageant at pagsagot ng Q&A. 

Ang pinakamasayang parte ng programa ay ang pagbunot ng grand prize winner ng raffle. Mananalo ng Instax Camera na inisponsoran ni Micha Deang Sakshaug ang masuwerteng mabubunot. Bago bumunot ng pangalan si Mrs. Norella, hiniling ng host na si Josh Manuel na sana siya ang mabunot. At suwerte namang nakuha ni Mrs. Norella ang kanyang pangalan. Nagsigawan ang lahat. Hindi sumang-ayon ang karamihan sa nangyari. Pero inamin naman ni Mrs. Norella na walang pandarayang naganap at sinabi ng host na sana ay respetuhin ng lahat ang bisitang guro.

Nakakatuwang balikan ang nakaraan. Hindi maitatangging namiss ng bawat isa ang dati. Kulang ang gabi kung tutuusin. Umuwi ang lahat ng masaya at may baong bagong karanasan, alaala, at souvenir shirt. Salamat na lang sa mga nag-organisa na sina Tina Guiyab, Jozelle Villareal, Lilli Anne Sy, Adrienne Atienza, Joan Villegas-Gonzales, Jayfel Cantrel, Leslie Dizon, at Josh Manuel dahil kung wala sila ay hindi matutuloy ang lahat ng ito. Hanggang sa muli, hindi ito ang huli. Magkikita pa tayo! Sure yan!