Hindi ko alam kung kailan ako
matatapos magbilang
ng mga araw, buwan, taon, minuto, at
segundo.
Hindi ko alam, wala na akong alam.
Hinihintay ko na lang matapos ang lahat.
Buong buhay ko nangarap ako maging
ganito, maging ganyan.
Pero ngayon, iba na, tumigil na akong
mangarap
at hayaan na lang mangyari ang
mangyayari.
Tanggap ko na kung ano ako, kilala ko
na kung sino ako.
Wala na akong pakialam sa sasabihin
ng iba.
Ang gusto ko na lang, maging masaya.
Pero hindi ako masaya.
Malungkot ako. Para akong pinapatay
sa araw-araw.
Hindi ko alam kung saan nanggagaling
‘yung sakit
pero hindi ako mapakali sa sobrang
sakit na gumagapang sa katawan ko.
Gusto kong sumigaw nang malakas pero
walang boses na lumalabas.
Hindi ko alam paano matutulungan
‘yung sarili ko. Nanghihina ako.
Wala na akong maramdaman. Nauubos na
ako. Sagad na sagad na.
Nakatulala na lang ako sa kalangitan.
Pinagmamasdan ang mga bituin.
Hinihintay ko na lang na mawala ako,
liparin ng hangin o agusin ng tubig.
Bumalik sa aking isipan ang lahat ng
alaala.
Naging masaya naman ako pero ngayon
nasasaktan pa rin ako.
Ayaw ko na ng sakit. Ayaw ko na!
Napapagod na ako.
Sa totoo lang, hindi ako natatakot
mamatay.
Mas natatakot pa akong tumanda kaysa
mamatay akong nag-iisa.
Sana bata na lang ako ulit. Malayang
makapaglaro, walang pinoproblema.
Naalala ko tuloy nang matuto akong
magbilang.
Naglalaro ng taguan. Pinipikit ang
mga mata.
Naghahanap, naghihintay, nagbibilang.
Pagbilang ko ng sampu, nakatago na
kayo.
Isa, dalawa, tatlo, apat, lima, anim,
pito, wala, siyam, sampu.
Sa pagdilat ko, wala na ang mga tao, wala
na ang pamilya ko, kaibigan ko.
Wala ka na rin. Mag-isa na lang ako.